QUEZON, Philippines – Nagpatupad ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon ng apat na araw na pagbabawal sa pagdadala, pag-inom, pamamahagi at pagbebenta ng alak sa lahat ng pampubliko at pribadong sementeryo sa lalawigan bilang paghahanda sa ligtas at mapayapang paggunita ng Undas.
Nakasaad sa Executive Order (EO) No. DHT-30 na bawal ang pagdadala, pag-inom, pamamahagi at pagbebenta ng alak at iba pang inuming nakalalasing sa loob o paligid ng mga pampubliko at pribadong sementeryo, memorial park, columbarium at iba pang katulad na lugar.
Nilagdaan ang kautusan ni Vice Gov. Anacleto Alcala III, na nagsisilbing acting governor, noong Huwebes, Oktubre 29.
Nagsimula ang pagbabawal pagsapit ng hatinggabi ng Oktubre 30 at mananatili hanggang alas-11:59 ng gabi sa Nobyembre 2.
Ayon sa EO, maaaring magdulot ng kaguluhan, aksidente, problema sa kalinisan at iba pang insidente ang pag-inom, pagbebenta, pamamahagi at pagdadala ng alak sa mga sementeryo, na maaaring maglagay sa panganib sa mga bumibisita rito.
Layunin ng kautusan na mapangalagaan ang kapakanan ng publiko at matiyak ang maayos, ligtas at matahimik na paggunita ng Undas, kung kailan dinadayo ng mga pamilya ang mga puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay upang maglinis, magsindi ng kandila, mag-alay ng bulaklak at magdasal.
Inatasan ang mga law enforcement agency at iba pang kinauukulang tanggapan na ipatupad ang pagbabawal. Inatasan din ang mga pulis at force multiplier na magtayo ng mga checkpoint at magsagawa ng regular na pagpapatrulya sa mga sementeryo at memorial park. RNT/MDS