Home NATIONWIDE COP17: Mga bansa nangako, pangangalaga sa kalikasan ibabalik sa tamang landas

COP17: Mga bansa nangako, pangangalaga sa kalikasan ibabalik sa tamang landas

3
0

ARMENIA – Nagkasundo ang halos 200 bansa nitong Biyernes sa isang United Nations (UN) biodiversity summit upang paigtingin ang mga hakbang sa pangangalaga ng kalikasan, bagama’t nabigo ang mga ito na makamit ang mas malaking progreso sa ilang mahahalagang usapin.

Inaprubahan ng mga delegado ang mahahalagang kasunduan matapos humaba ang negosasyon hanggang Sabado ng umaga.

Gayunman, nabalot ng pagtatalo at pagkadismaya ang pagtatapos ng pulong dahil sa mga napalampas na pagkakataong matugunan ang patuloy na pagkasira ng kalikasan.

Layunin ng COP17 summit sa Yerevan, Armenia na buhayin ang makasaysayang pangako ng mga bansa na pigilan at baligtarin ang pagkasira ng kalikasan pagsapit ng 2030.

Sa loob ng dalawang linggong pagpupulong, hinimok ang mga bansa na baguhin ang kanilang mga hakbang upang matupad ang kasunduan at maprotektahan ang mga halaman, hayop, at ecosystem na mahalaga sa pagpapanatili ng buhay sa mundo.

Nauna nang nagbabala ang United Nations na hindi sapat ang kasalukuyang progreso upang makamit ang mga target sa 2030. Kabilang dito ang pagprotekta sa 30 porsiyento ng kalupaan at karagatan sa mundo, pagtugon sa polusyon at invasive species, at pagpapataas ng pondong inilaan sa pangangalaga ng kalikasan.

Gayunman, sinabi ni French Ecological Transition Minister Monique Barbut na hindi sapat ang naging resulta ng summit kumpara sa tindi ng krisis na kinakaharap ng kalikasan.

Ayon kay Barbut, maraming pagkakataon ang napalampas upang mapabilis ang pagtugon sa pagkawala ng biodiversity at hindi maaaring hintayin ng kalikasan ang mabagal na proseso ng negosasyon ng mga bansa.

Isa sa mga pinagtalunang usapin sa summit ang pag-aalis ng mga subsidiya at insentibong naghihikayat sa mga gawaing nakapipinsala sa kalikasan, kabilang ang paggamit ng fossil fuels, masinsinang pagsasaka, at labis na pangingisda.

Ayon kay Guido Broekhoven ng WWF International, positibo ang naging resulta ng kasunduan sa kabila ng ilang kahinaan nito, partikular sa usapin ng mga mapaminsalang subsidiya.

Sinabi naman ni An Lambrechts ng Greenpeace International na nagkaroon ng mahalagang pag-usad sa usaping pampulitika upang matugunan ang mga insentibong pinansyal na nakapipinsala sa kalikasan.

Naging kontrobersyal din ang pagtalakay sa mga siyentipikong ulat matapos akusahan ang ilang bansa na humahadlang sa pag-apruba ng mahahalagang pag-aaral.

Nagpahayag ng panghihinayang si Swiss negotiator Gabriela Blatter dahil sa pagdami ng mga pagkakataong hinahamon o nililimitahan ng politika ang paggamit ng siyentipikong ebidensya.

Binigyang-diin niya na bagama’t iginagalang nila ang karapatan ng bawat bansa na pangalagaan ang pambansang interes, hindi dapat nakikipagtawaran sa usaping siyentipiko.

Naging mainit ding usapin ang paghahanap ng karagdagang pondo para sa pangangalaga ng kalikasan. Itinulak ng European Union na makibahagi sa pandaigdigang conservation efforts ang mayayamang umuunlad na ekonomiya tulad ng China.

Bilang posibleng kompromiso, iminungkahi sa isang draft agreement na maaaring boluntaryong sumali sa naturang grupo ang mga bansang hindi kabilang sa mga tradisyonal na donor na maunlad na bansa.

Gayunman, hindi pa rin nalutas ang mga tanong tungkol sa disenyo ng Cali Fund, isang mekanismo ng UN na naglalayong makalikom ng bilyun-bilyong dolyar mula sa mga kompanya para sa conservation efforts, ngunit nananatiling halos walang laman.

Ayon kay Pakhi Das ng nonprofit organization na Plant-for-the-Planet, dahil ipinagpaliban sa susunod na dalawang taon ang mahahalagang desisyon tungkol sa pondo, malaki ang posibilidad na manatili itong walang laman hanggang sa panahong iyon.

Samantala, napili ang Ecuador bilang punong-abala sa susunod na biodiversity summit sa 2028 matapos nitong talunin ang Panama sa isang lihim na botohan noong Sabado ng umaga. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here