MANILA, Philippines — Dinalaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang puntod ng kanyang ama at namesake na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City ngayong Undas.
Kasama ng Pangulo ang kanyang ina na si dating First Lady Imelda Marcos at kapatid na si Irene Marcos sa pag-alala sa kanilang yumaong ama.
Sa Facebook post, sinabi ni Marcos na bagama’t wala na ang kanilang mga mahal sa buhay, nananatili ang mga alaala at aral na iniwan ng mga ito.
Hinikayat din niya ang publiko na parangalan ang mga yumao hindi lamang sa pamamagitan ng panalangin kundi pati sa pangangalaga sa mga mahal sa buhay na kasama pa nila.
Bukod sa kanyang ama, nagpadala rin si Marcos ng mga bulaklak sa puntod nina dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino, dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.
Matagal nang itinuturing na magkaribal sa politika ang mga pamilya Marcos at Aquino.
Nagtungo rin sa Manila Memorial Park ang ilang tagasuporta ng pamilya Aquino upang magbigay-galang sa mga yumaong miyembro ng pamilya ngayong Undas. RNT