Home METRO Fur parent ng dedong asong itinapon sa Bulacan, balak kasuhan crematorium

Fur parent ng dedong asong itinapon sa Bulacan, balak kasuhan crematorium

3
0

MANILA, Philippines — Balak magsampa ng kaso ng may-ari ng isang aso laban sa crematorium sa Bacoor, Cavite matapos umanong matagpuan ang labi ng kanyang alagang hayop na itinapon sa gilid ng kalsada sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Kabilang ang asong si Ivy sa labi ng 22 aso at tatlong pusa na narekober at nakilala ng mga awtoridad matapos matagpuan sa New Town Street, Barangay Minuyan Proper.

Namatay si Ivy noong Oktubre 23 at ayon sa pamilya, mahigit P10,000 ang kanilang ibinayad para sa cremation ng kanilang alaga.

Nakilala umano ng pamilya ang labi ni Ivy mula sa isang social media post dahil sa hitsura at timbang nito.

Narekober na nila ang labi ng aso at dinala sa ibang crematorium.

Ayon sa ulat, desidido ang pamilya na magsampa ng kaso dahil itinuring nilang miyembro ng pamilya si Ivy at ikinagalit nila ang sinapit ng mga labi nito.

Samantala, nagsagawa ng pulong ang Bacoor City government kasama ang pulisya, may-ari ng crematorium at mahigit 30 pet owners kaugnay ng insidente.

Ayon sa isang abogado ng Bacoor City Legal Office, nabigo umano ang crematorium na magpakita ng CCTV footage o sapat na dokumento na magpapatunay na naisagawa ang mga cremation.

Nabatid din na hindi saklaw ng business permit ng establisimyento ang animal cremation services.

Sinabi rin ng Bacoor LGU na hindi umano matiyak ng may-ari ng crematorium kung ang mga abo na ibinalik sa mga pet owner ay talagang mula sa kani-kanilang alagang hayop.

Ininspeksyon na ng Business Permits and Licensing Department ng lungsod ang establisimyento.

Hinikayat naman ng animal welfare group na PAWS ang mga apektadong pet owner na ikonsidera ang paghahain ng reklamong estafa at ingatan ang kanilang mga resibo, cremation certificates, communications, litrato at iba pang maaaring gamiting ebidensya.

Ang posibleng pananagutang kriminal ng crematorium ay nakasalalay pa rin sa isasagawang imbestigasyon at sa anumang reklamong ihahain ng mga apektadong pet owner. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here