MANILA, Philippines — Nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano ilang araw matapos ang “moderately explosive eruption” nito noong Oktubre 30, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sinabi ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol na wala nang naitalang panibagong explosive eruption mula noong Oktubre 30, ngunit patuloy pa rin ang mga senyales ng volcanic unrest.
Nagtala ang PHIVOLCS ng ash emission bandang alas-7:15 ng umaga noong Oktubre 31, kung saan umabot sa humigit-kumulang 200 metro mula sa bunganga ng bulkan ang ash plume.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala rin ang ahensya ng 14 volcanic earthquakes at pitong rockfall events.
Ayon kay Bacolcol, posibleng dulot ng pagbabara sa conduit ng bulkan ang pagsabog noong Oktubre 30, na maaaring humarang sa paglabas ng volcanic gases at nagresulta sa pag-ipon ng pressure.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa six-kilometer Permanent Danger Zone dahil maaari umanong magkaroon ng biglaang volcanic activity, rockfall at iba pang panganib.
“Anything could happen,” babala ni Bacolcol.
Nilinaw din niya na hindi direktang nakaaapekto ang pag-ulan sa volcanic processes sa ilalim ng Mayon.
Gayunman, nagbabala ang PHIVOLCS na ang matagal at malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng lahar sa mga ilog at daluyan ng tubig na nagmumula sa bulkan.
Naiulat din ang ashfall sa ilang lugar matapos ang pagsabog noong Oktubre 30.
Patuloy namang mahigpit na mino-monitor ng mga awtoridad ang aktibidad ng Mayon habang pinapayuhan ang mga residenteng malapit sa bulkan na manatiling alerto at sundin ang ipinatutupad na safety restrictions. Santi Celario