MANILA, Philippines — Binigyang-diin ng Philippine National Police (PNP) ang kahalagahan ng agarang mental health intervention sa mga missing-person case matapos mailigtas ang isang 21-anyos na estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na anim na araw na nawawala.
Natagpuan ang fourth-year student sa San Pablo City, Laguna noong Oktubre 30 matapos siyang matunton sa pamamagitan ng CCTV footage at koordinasyon ng Taguig City Police Station, Southern Police District, iba pang law enforcement agencies at kanyang pamilya.
Iniulat ng mga magulang na nawawala ang estudyante noong Oktubre 25.
Ayon sa pulisya, lumabas sa panayam ng Women and Children Protection Desk matapos siyang matagpuan na nakararanas umano ang estudyante ng matinding emotional distress at problema sa pamilya.
Nabatid din ng mga awtoridad na nasa panganib umano siyang saktan ang kanyang sarili habang nawawala.
Sinabi ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na hindi dapat matapos sa paghahanap lamang sa nawawalang tao ang tungkulin ng pulisya.
Aniya, mahalaga ring matukoy kung nakararanas ang isang indibidwal ng emotional, family o mental health problems upang maikonekta sila sa nararapat na suporta at propesyonal na tulong.
“We are grateful that this young woman was found safe. Let this be a reminder that seeking help is a sign of strength, and every life is worth protecting,” ani Nartatez.
Matapos mailigtas, ini-refer ang estudyante sa Taguig City Local Social Welfare and Development Office para sa tulong.
Pinili naman ng kanyang mga magulang na dalhin siya sa isang pribadong ospital para sa agarang medical at psychological intervention.
Hinikayat ng PNP ang mga nakararanas ng matinding emotional distress na lumapit sa pamilya, pinagkakatiwalaang kaibigan, health professional o iba pang mapagkakatiwalaang support system para sa tulong. Santi Celario