MANILA, Philippines — Mula isang oras ay bumaba sa 15 minuto ang handling time ng palay matapos gumamit ang National Food Authority (NFA) ng one-ton flexible bags sa pilot test nito.
Ayon sa NFA, nagresulta ang paggamit ng tinatawag na “tonner bags” sa 75% na pagbawas sa handling time at 50% na pagbaba sa handling costs.
Kayang maglaman ng isang metric ton ng palay ang bawat bag, kumpara sa karaniwang 50-kilogram sacks.
Gawa ang mga ito sa woven polypropylene na idinisenyong protektahan ang palay laban sa moisture at alikabok.
Isinagawa ang pilot test noong Oktubre 2025 sa mga NFA branch sa Nueva Ecija, Occidental Mindoro at Davao del Sur.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, nakatutulong din ang paggamit ng malalaking bag upang mas mahusay na magamit ang warehouse space.
Idinisenyo rin ang tonner bags para sa forklift handling kaya nababawasan ang manual lifting, pagtatahi ng sako at stacking.
Batay sa initial trial, nanatili sa ligtas na antas ang moisture ng palay habang minimal ang spillage at nanatiling kontrolado ang pest infestation.
Sinabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na maaaring makatulong ang sistema upang makabili ang NFA ng mas maraming palay mula sa mga magsasaka gamit ang parehong resources.
Aniya, kung mababawasan ang handling costs at mas magiging episyente ang paggamit ng warehouses, mas maraming pondo ng NFA ang maaaring ilaan sa pagbili ng palay sa patas na presyo.
Patuloy namang pag-aaralan ng mga awtoridad ang pagpapahusay sa storage safety at pest control bago mas malawak na gamitin ang sistema. Santi Celario