Home NATIONWIDE ICC ibinasura hirit na paggamit ng Tagalog sa opening statement sa Duterte...

ICC ibinasura hirit na paggamit ng Tagalog sa opening statement sa Duterte trial

5
0

MANILA, Philippines – Hindi pinayagan ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng abogado ng mga biktima na gumamit ng Tagalog sa ilang bahagi ng kanilang opening statement sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Napagdesisyunan ito ng ICC Trial Chamber III sa ikalimang pre-trial conference na ginanap sa The Hague.

Ayon kay Presiding Judge Joanna Korner, hindi kabilang ang Tagalog sa mga opisyal na wika ng ICC at ang paggamit nito ay maaaring magdagdag sa proseso at gastos dahil kakailanganin pa ng pagsasalin at interpretation.

Sa ilalim ng Rome Statute, English at French ang mga opisyal na wika ng ICC.

Ipinaliwanag naman ni Public Counsel for Victims Paolina Massidda na limitado lamang sana sa ilang sipi mula sa salaysay ng mga biktima ang paggamit ng Tagalog.

Aniya, makatutulong sana ito upang mas direktang maiparating ang kanilang mga karanasan at mas makaugnay ang mga biktima sa paglilitis.

Tinatayang 15 hanggang 20 minuto lamang sana ang bahagi ng opening statement na gagamit ng Tagalog.

Gayunman, sinabi ni Korner na susundin ng korte ang itinakda ng Rome Statute at gagamitin ang English sa proceedings.

Samantala, sinabi ni Duterte defense counsel Peter Haynes na pinag-iisipan din niyang magbigay ng pahayag sa pagsisimula ng paglilitis.

Hindi dumalo si Duterte sa naturang conference matapos payagan ng korte ang kahilingan ng kanyang kampo na hindi na siya humarap dito. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here