Home TOP STORIES Tan pinuri mabilis na tugon ng DOH chief sa siksikang ospital sa...

Tan pinuri mabilis na tugon ng DOH chief sa siksikang ospital sa Samar

4
0

MANILA, Philippines – Pinuri ni Samar Governor Sharee Ann Tan si Health Secretary Edwin Mercado sa mabilis na pagtugon sa matinding pagsisikip ng dalawang pangunahing pampublikong ospital sa lalawigan.

Kasabay nito, nanawagan si Tan ng pangmatagalang solusyon upang hindi na maulit ang problema sa Calbayog District Hospital at Samar Provincial Hospital.

Ayon sa gobernador, mahalagang masundan ang agarang tulong ng permanenteng pagpapalawak ng mga pasilidad, pagdaragdag ng hospital beds, makabagong medical equipment at dagdag na doktor, nars at iba pang healthcare workers.

Batay sa hospital reports noong Oktubre 19, umabot sa 181 pasyente ang naka-confine sa Calbayog District Hospital kahit 75 kama lamang ang awtorisadong kapasidad nito.

Sa Samar Provincial Hospital sa Catbalogan City naman, nasa 200 hanggang 250 pasyente ang tinatanggap kahit 100 kama lamang ang kapasidad nito.

Kasunod ng panawagan ni Tan noong Oktubre 26, inatasan ni Mercado ang DOH Eastern Visayas na maghanda ng pansamantalang matutuluyan ng mga pasyente, emergency medical teams at karagdagang healthcare personnel.

Ipinag-utos din ang pagsusuri sa hospital congestion at sistema ng paglilipat o pagre-refer ng mga pasyente sa ibang pagamutan.

Nagpasalamat si Tan sa agarang aksyon ngunit iginiit na hindi dapat matapos sa pansamantalang hakbang ang tugon sa problema.

“Malaking tulong ang mga pansamantalang pasilidad at emergency medical team upang maibsan ang kasalukuyang sitwasyon. Ngunit hindi tayo dapat tumigil sa mga agarang solusyon lamang,” ani Tan.

Umaasa rin ang gobernador na mapapabilis ang pagpapalabas at paggamit ng P440 milyon na nakalaan para sa pagpapahusay ng dalawang ospital.

Sa naturang halaga, P140 milyon ang inilaan sa ilalim ng 2025 national budget para sa Calbayog District Hospital—P70 milyon para sa imprastraktura at P70 milyon para sa medical equipment.

May P300 milyon naman sa 2026 national budget para sa infrastructure improvements ng Samar Provincial Hospital.

Hiniling din ni Tan ang mas mahigpit na koordinasyon ng DOH at Department of Budget and Management upang maresolba ang mga natitirang requirements at magkaroon ng malinaw na iskedyul sa pagpapatupad ng mga proyekto.

Binigyang-diin ng gobernador na dapat sundin ang mga batas at patakaran sa paggamit ng pampublikong pondo, ngunit hindi dapat hayaang maging dahilan ang mga suliraning administratibo upang maantala ang mga proyektong kailangan ng mga pasyente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here