MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng National Wages and Productivity Commission ang apat na bagong wage orders na magtataas sa minimum wage ng mga manggagawa at kasambahay sa Western Visayas at Soccsksargen.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, magiging P590 kada araw ang minimum wage ng mga manggagawa sa malalaking establisimyento sa Region 6 o Western Visayas. P565 naman ang magiging sahod ng mga nasa maliliit na establisimyento at agricultural workers.
Madaragdagan din ng P500 ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa rehiyon, kaya magiging P7,000 na ito.
Sa Region 12 o SOCCSKSARGEN, unang madaragdagan ng P16 kada araw ang sahod simula Nobyembre 19, na susundan ng dagdag na P25 sa Enero 1, 2027.
Aabot sa P501 ang minimum wage ng non-agricultural workers at P484 naman sa agricultural workers. Para sa mga kasambahay, magiging P6,450 na ang buwanang sahod.
Tinatayang 214,757 manggagawa sa Region 6 at halos 87,000 sa Region 12 ang makikinabang sa dagdag-sahod.
Ayon pa kay Tolentino, ilalathala sa Nobyembre 4 ang mga bagong wage order at magiging epektibo ang mga ito sa Nobyembre 19, 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden