MANILA, Philippines – Ang due process para kay Sen. Ronald dela Rosa ay hindi panangga sa kanyang paglilitis sa International Criminal Court (ICC), giit ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes.
Diin ni Lacson, ang panawagan niyang bigyan ng due process ang kanyang kasamahan ay para humarap siya sa paglilitis sa ICC nang hindi nanganganib na mauwi sa karahasan – o trahedya – ang proseso ng pag-aresto sa kanya.
“To me, due process means allowing Senator dela Rosa to face trial before the ICC rather than risk violence and worse, tragedy,” aniya.
Muli niyang iginiit na ang due process ay isang pangunahing karapatan ng lahat ng tao, kabilang si dela Rosa, na naging tauhan niya sa Philippine National Police (PNP) at Presidential Anti-Organized Crime Task Force.
Si dela Rosa ay nahaharap sa isang arrest warrant na inilabas ng ICC kaugnay ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Matapos malaman ang tungkol sa warrant noong huling bahagi ng nakaraang taon, nagtago si dela Rosa. Sandali siyang nagpakita sa Senado noong Mayo 11 upang bumoto kay Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate president, ngunit muling umalis kasunod ng pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo 13. Ernie Reyes