MANILA, Philippines – Handa ang Malakanyang na makipagtulungan sa mga budget watchdogs at civil society groups para suriin ang panukalang 2027 national budget, at hinimok ang mga ito na direktang magsumite sa Palasyo ang mga dokumentong naglalaman ng posibleng iregularidad.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press brefing sa Malakanyang na mahalaga ang mga natuklasan ng mga grupong nagbabantay sa paggamit ng pondo ng bayan upang maiparating sa Pangulo ang mga posibleng red flags sa panukalang budget.
“Sa mga nagbabantay ng budget, kung mayroon po kayong mismong kopya na inyong nakita at napansin na red flag ay ipagbigay-alam lang po ninyo sa amin, bigyan po ninyo kami ng kopya, mismo ang PCO dahil kakailanganin din po ito ng Pangulo,” ani Castro.
Binigyang-diin ni Castro na mahalaga ang papel ng mga budget watchdogs sa pagtulong sa pamahalalan upang marinig ng Pangulo ang kanilang mga natuklasan at rekomendasyon.
“Ang mga tagabantay ng budget ay kailangan ng gobyerno. Kailangan po kayo para po madinig kayo ng Pangulo,” dagdag ni Castro.
Tiniyak ni Castro na hindi papayagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga budget amendment na walang sapat na dokumentasyon, malinaw na paglalarawan at konkretong proyektong pagbabatayan.
Dadaan pa aniya sa pagsusuri ng bicameral conference committee at ng economic team ng Pangulo ang panukalang 2027 budget bago isumite sa Punong Ehekutibo para sa kaniyang lagda. (KRIS JOSE)