Home METRO Korte Suprema, magtatayo ng bagong Hall of Justice sa Naga City

Korte Suprema, magtatayo ng bagong Hall of Justice sa Naga City

4
0

NAGA CITY, Philippines – Magtatayo ang Korte Suprema (SC) ng bagong Hall of Justice (HOJ) para sa Regional Trial Court (RTC) ng Naga City upang mapalakas ang imprastraktura ng mga korte at magkaroon ng mas maayos na pasilidad para sa paghahatid ng hustisya.

Pormal na tinanggap ng SC ang 2,444-square-meter na lupang ipinagkaloob ng pamahalaang lungsod ng Naga sa pamamagitan ng Ceremonial Signing of the Deed of Donation noong Oktubre 30, 2026, sa PAGCOR Multipurpose Event Center sa Balatas Development Complex, Naga City.

Pinangunahan ang seremonya nina Chief Justice Alexander G. Gesmundo, Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen at Associate Justice Jose Midas P. Marquez, kasama si Court Administrator Ma. Theresa Dolores C. Gomez-Estoesta at iba pang opisyal ng Korte Suprema.

Matatagpuan ang bagong lote sa Barangay Balatas at papalit ito sa kasalukuyang Hall of Justice na nasa loob ng Naga City Hall compound.

Nilagdaan nina Court Administrator Gomez-Estoesta at Naga City Mayor Maria Leonor “Leni” G. Robredo ang Deed of Donation. Saksi rito sina Chief Justice Gesmundo, SAJ Leonen, Justice Marquez, Executive Judge Pablo C. Formaran III at City Legal Officer Atty. Angel Ojastro III.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Chief Justice Gesmundo na hindi lamang responsibilidad ng mga korte ang paghahatid ng hustisya kundi ng buong pamahalaan at komunidad.

Ibinahagi rin niya ang mga reporma sa ilalim ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022-2027, kabilang ang paggamit ng digital case records, e-filing at e-evidence. Aniya, “Puwede nang i-GCash ang korte.”

Hinimok niya ang mga hukom at kawani sa Naga na gawing sentro ng kanilang serbisyo ang hustisya.

Samantala, sinabi ni SAJ Leonen na ang kalayaan ng hudikatura ay para sa mamamayan, lalo na sa mahihirap na umaasa sa patas na paghatol ng mga hukom.

Ayon naman kay Mayor Robredo, malaking tulong ang pagkakaroon ng madaling puntahan at makataong Hall of Justice upang mapadali ang paglapit ng mga mamamayan sa hustisya. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here