CAVITE, Philippines – Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin habang nakikipag-inuman sa loob ng isang garahe sa East West Road, Barangay Liit, Silang, Cavite.
Kinilala ang biktima sa alyas na Jayson, nasa hustong gulang, na nasawi dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Batay sa imbestigasyon, nakasuot ng bonnet ang suspek at armado ng hindi pa natutukoy na kalibre ng baril.
Ayon sa bayaw ng biktima, bandang alas-8:30 ng gabi habang nag-iinuman sila kasama ang ilang kaibigan ay dumating ang suspek at sunod-sunod na pinagbabaril si Jayson, na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek sakay ng hindi naplakahang sasakyan.
Patuloy na sinusuri ng pulisya ang mga CCTV footage upang matukoy ang dinaanan ng suspek. Inaalam din ng mga awtoridad ang motibo sa krimen. MARGIE BAUTISTA