Home NATIONWIDE Senate probe vs dead pets’ scandal, sinusugan ni Villanueva

Senate probe vs dead pets’ scandal, sinusugan ni Villanueva

4
0

MANILA, Philippines – Mariing kinondena ni Senador Joel Villanueva ang naiulat na pagtatapon ng mga patay na alagang hayop sa Barangay Minuyan Proper, City of San Jose del Monte, Bulacan.

Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na kailangan din ng masusing imbestigasyon ng iba’t ibang ahensya at nararapat na legal na aksyon laban sa mga responsible sa pagtatapon ng bangkay ng alagang hayop na dapat inilibing.

“Bulakenyos are animal lovers. Ayaw po nating makilala ang Bulacan bilang lugar na nagiging kasabwat sa animal cruelty. We cannot allow such acts to go unpunished,” pahayag ni Villanueva.

Pinuri ng senador ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mabilis nitong aksyon sa insidente at hinimok ang mga kinauukulang local government units na repasuhin ang proseso ng permitting, inspeksyon, at monitoring ng mga pet crematorium.

Nanawagan din siya sa Department of Trade and Industry (DTI) na imbestigahan ang posibleng mapanlinlang na business practices at tulungan ang mga apektadong pet owner sa pagsasampa ng consumer complaints.

Hinimok din ng senador ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na silipin ang posibleng paglabag sa Republic Act No. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act, at iba pang naaangkop na batas pangkalikasan.

Sangkot sa insidente ang Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium na nakabase sa Bacoor, Cavite, matapos matuklasan ang mga labi ng mga patay na aso at pusa na dapat sana ay na-cremate na, na itinapon sa mga plastic bag sa kahabaan ng New Town Street sa Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte City, Bulacan.

Iginiit ni Villanueva na hindi dapat ituring ang insidente bilang simpleng paglabag lamang sa regulasyon ng negosyo, at binigyang-diin na hindi sapat ang pagsasara ng establisyimento upang matiyak ang pananagutan.

Hinimok niya ang mga imbestigador na tukuyin ang responsibilidad kapwa sa umano’y panlilinlang sa mga pet owner at sa hindi maayos na pagtatapon ng labi ng mga hayop, at magsampa ng nararapat na kaso batay sa ebidensya.

Binigyang-diin ni Villanueva na dapat seryosohin ang animal welfare at ang proteksyon sa mga hayop ay nangangailangan hindi lamang ng malasakit kundi pati ng mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas at regulasyon.

“The closure of the establishment should not be the end of the matter. Those responsible must answer under the law,” aniya.

“How we treat animals speaks volumes about who we are as human beings. A society that values compassion must also protect those who cannot speak for themselves,” dagdag pa ni Villanueva.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here