MANILA, Philippines – Hindi lamang publiko kundi maging maraming miyembro ng House of Representatives ang umano’y hindi nabigyan ng sapat na impormasyon tungkol sa mga pagbabagong ginawa sa panukalang 2027 national budget, ayon kay Deputy Speaker Ronaldo Puno.
Sinabi ni Puno na maraming kongresista ang hindi umano batid ang detalye ng mga alokasyong naisama sa House version ng P7.2-trilyong General Appropriations Bill.
Ayon sa mambabatas, nakatulong ang pagsusuri ng People’s Budget Coalition (PBC) upang matukoy ang ilang alokasyon na hindi umano alam ng karamihan sa mga miyembro ng Kamara.
Iginiit ni Puno na maging ilang miyembro ng House Committee on Appropriations ay nagulat umano sa mga natuklasan ng grupo.
Nauna nang kinumpirma ng House of Representatives na humigit-kumulang P116 bilyon ang amendments na isinama sa bersyon nito ng 2027 national budget.
Kinuwestiyon din ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang proseso ng Budget Amendments Review Sub-committee o BARSc, na siyang nagsuri sa mga panukalang pagbabago sa budget.
Inilarawan ni Tiangco ang paraan ng pag-apruba sa ilang amendments bilang “bad faith,” partikular ang umano’y hindi pagsali sa deliberasyon ng mga kongresistang hindi miyembro ng subcommittee.
Ayon kay Tiangco, dapat maging bukas at malinaw ang proseso dahil pera ng bayan ang pinag-uusapan.
Nauna na rin niyang iginiit na dapat may malinaw na dahilan, kumpletong dokumentasyon at may mananagot sa bawat proyektong isinasama sa national budget.
Samantala, sinabi ng House Committee on Appropriations na ang BARSc review ay bahagi ng proseso upang suriin ang mga amendment na nagmula sa mga kahilingan ng government agencies at mga rekomendasyong inihain sa plenary deliberations.
Ayon sa Kamara, layunin nitong gawing mas transparent, accountable at people-centered ang budget process.
Patuloy na sinusuri ang House-approved 2027 budget matapos maglabas ng mga puna ang ilang budget watchdog kaugnay ng mga alokasyon at amendments dito. RNT