MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng defense panel ni Vice President Sara Duterte ang admissibility o pagtanggap bilang ebidensya ng ilang dokumentong iniharap ng prosecution sa kanyang impeachment trial.
Sa komentong nilagdaan ni Atty. Karol Grace Oroceo, iginiit ng kampo ni Duterte na ilan sa mga dokumento ay hindi nakasaad sa Articles of Impeachment at hindi rin kalakip ng mga orihinal na impeachment complaint na inihain sa House of Representatives.
Kabilang dito ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALNs ni Duterte mula 2007 hanggang 2021 na nakuha mula sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa defense, hindi umano kaugnay ang mga naturang SALN sa kasalukuyang impeachment charge dahil sakop nito ang panahong hindi pa nagsisilbing vice president si Duterte.
Ang Article II na lamang ang natitirang impeachment charge laban sa bise presidente matapos ihinto ng prosecution ang pag-usad ng tatlong iba pang articles.
Sa Article II, inaakusahan si Duterte ng pagkakaroon umano ng hindi maipaliwanag na yaman na hindi tugma sa kanyang lehitimong kita, gayundin ng umano’y hindi kumpleto at tapat na pagdedeklara ng kanyang mga ari-arian at ng kanyang asawa sa SALNs.
Batay sa kanyang SALNs, umakyat ang idineklarang net worth ni Duterte mula P7.25 milyon noong 2007 sa P98.656 milyon noong 2025.
Kinuwestiyon din ng defense ang Securities and Exchange Commission records na ginamit ng prosecution kaugnay ng umano’y financial interests ni Duterte sa ilang kumpanya.
Ayon sa defense, ilan sa mga rekord ay tumutukoy sa panahong hindi pa vice president si Duterte at sa mga kumpanyang umano’y walang kaugnayan sa kanya.
Tinutulan din ng kampo ni Duterte ang PSA certification at marriage certificate nila ng kanyang asawang si Manases Carpio dahil umano sa kawalan ng witness na nag-authenticate sa mga dokumento.
Kinuwestiyon din ang PhilGEPS records hinggil sa mga transaksyon ng mga kumpanyang sinasabing may kaugnayan kay Duterte, pati ang PNP-FEO records tungkol sa halaga ng mga baril na umano’y pag-aari ng mag-asawa ngunit hindi nakadeklara sa SALN.
Kasama rin sa tinututulan ng defense ang mga rekord at ulat mula sa Anti-Money Laundering Council, bank records, insurance at investment records, forensic examination report at Bureau of Internal Revenue records.
Iginiit ng defense na ilan sa mga ito ay walang sapat na kaugnayan sa Article II o kulang umano sa authentication at testimonya mula sa mga kwalipikadong witness.
Partikular ding tinutulan ng kampo ni Duterte ang paggamit ng ilang bank records na ayon sa kanila ay nakuha sa pamamagitan ng “fishing expedition.”
Sinabi rin ng defense na walang business interest si Duterte sa Gencorp Industries Inc. habang nagsisilbi bilang vice president at wala rin umano siyang affiliation sa Davao City local government, PhilHealth Region X at Overseas Workers Welfare Administration Region IX.
May 10 araw ang prosecution upang tumugon sa komento ng defense alinsunod sa impeachment rules.
Kasalukuyang suspendido ang impeachment trial upang bigyang-daan ang deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 national budget.
Nakatakdang magbalik ang Senate impeachment court sa Nobyembre 9, alas-10 ng umaga. RNT