Home HOME BANNER STORY Mga eskuwelahan, pwede nang magdeklara ng sariling ‘walang pasok’

Mga eskuwelahan, pwede nang magdeklara ng sariling ‘walang pasok’

1
0

MANILA, Philippines – Maaari nang magdeklara ang mga paaralan ng suspensyon ng face-to-face classes kahit walang naunang “walang pasok” na anunsyo mula sa national o local government, batay sa bagong executive order na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa ilalim ng Executive Order No. 130, maaaring magpatupad ang isang educational institution o learning center ng “granular suspension” kapag may aktuwal o napipintong banta sa kaligtasan, kalusugan o kapakanan ng mga estudyante at personnel nito.

Kailangang nakabatay ang desisyon sa dokumentadong kondisyon sa mismong lugar ng paaralan at gawin sa koordinasyon sa kinauukulang local chief executive.

Ibig sabihin, maaaring magsuspinde ng onsite classes ang isang paaralan kahit walang city-wide o province-wide suspension kung mapatutunayang may partikular na panganib sa kanilang lugar.

Nagtatakda ang EO ng tatlong antas ng class suspension: automatic suspension batay sa itinakdang hazard thresholds, localized suspension mula sa local chief executives, at school-level o granular suspension batay sa kondisyon ng mismong paaralan.

Maaaring magdeklara ang mga lokal na opisyal ng suspensyon batay sa beripikadong disaster o risk conditions sa kanilang lungsod, munisipalidad o lalawigan.

Saklaw naman ng automatic suspension ang mga kondisyon kaugnay ng opisyal na warnings, advisories, alert levels at forecasts mula sa mga ahensyang gaya ng PAGASA, PHIVOLCS at DENR-Environmental Management Bureau, alinsunod sa technical thresholds na itatakda sa implementing guidelines.

Inatasan ang Department of Education, katuwang ang CHED, TESDA, DILG, DPWH at iba pang concerned agencies, na bumuo ng implementing guidelines sa loob ng 30 araw.

Sa kabila ng suspensyon ng face-to-face classes, kailangan pa ring magpatupad ang mga paaralan ng learning continuity measures alinsunod sa mga patakaran ng DepEd, CHED, TESDA, ECCD Council at iba pang kinauukulang ahensya.

Pinapayagan din sa EO ang isang paaralan na humiling ng mas maagang pagbabalik ng onsite classes kahit umiiral pa ang mas malawak na suspension order ng LGU.

Kailangan lamang patunayan sa pamamagitan ng documented site-specific assessment na ligtas na ang lugar ng paaralan at sang-ayunan ito ng kinauukulang mayor o governor.

Ang bagong polisiya ay naglalayong iwasan ang blanket suspension ng klase sa mga lugar na hindi naman direktang apektado ng kalamidad o iba pang hazard.

Nauna nang sinabi ng Department of Education na maaaring suspindihin ng isang paaralan ang physical at online classes kapag umabot sa 42 degrees Celsius ang lokal na temperatura, sa koordinasyon sa kinauukulang LGU. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here