MANILA, Philippines – Dalawang unibersidad na lamang mula sa Pilipinas ang nakapasok sa top 200 ng 2027 QS World University Rankings: Asia, kauna-unahang pagkakataon matapos ang mahigit 15 taon.
Nanguna pa rin sa mga paaralan sa bansa ang University of the Philippines (UP), ngunit bumaba ito sa ika-123 puwesto mula ika-104 noong nakaraang taon.
Pumangalawa naman sa Pilipinas ang Ateneo de Manila University (AdMU), na bumaba sa ika-151 mula ika-141 noong 2026.
Samantala, hindi na nakapasok sa top 200 ang University of Santo Tomas (UST) at De La Salle University (DLSU).
Bumagsak ang UST sa ika-202 puwesto mula ika-184 habang ang DLSU ay nasa ika-204 mula ika-178 noong nakaraang ranking.
Ayon sa QS, ito ang unang pagkakataon sa mahigit 15 taon na dalawa na lamang ang Philippine universities na kabilang sa top 200 sa Asia.
Sinabi ni QS Senior Vice President Ben Sowter na nagpapakita ang resulta ng tumitinding kompetisyon sa higher education sa rehiyon, habang mas mabilis umangat ang ilang karatig-bansa ng Pilipinas.
Nanawagan siya ng mas malawak na reforms, policy adjustments at investment upang makasabay ang Philippine higher education system.
Sa kabila nito, tumaas sa 45 ang kabuuang bilang ng mga unibersidad mula sa Pilipinas na kasama sa 2027 rankings, mula sa mas mababang bilang noong mga nakaraang taon.
Sampung Philippine universities din ang unang beses na nakapasok sa listahan.
Sa 45 paaralan, 12 lamang o nasa 27% ang nakapasok sa top 1,000.
Ilan sa iba pang pinakamataas na ranggong Philippine universities ang Mapúa University sa ika-494, Adamson University sa ika-509, University of San Carlos sa ika-549, at Mindanao State University-Iligan Institute of Technology sa ika-678.
Sinuri sa 2027 QS Asia University Rankings ang mahigit 1,700 unibersidad mula sa 26 locations gamit ang mga indicator gaya ng academic at employer reputation, faculty-student ratio, research citations, international research network at international faculty at students.
Ayon sa QS, ang Pilipinas ang ika-13 pinakamaraming kinatawang higher education system sa rankings, na may 45 unibersidad. Dave Medina