MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang panawagan ng ilang business groups na bawasan ang maaanghang na palitan ng pahayag sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng West Philippine Sea.
Ayon kay Teodoro, hindi umano dapat ang Pilipinas ang sabihang maghinay-hinay dahil naninindigan lamang ang pamahalaan sa katotohanan at transparency sa pagtatanggol sa interes ng bansa.
“Who should they be telling that to? We are only standing by the truth and transparency,” ani Teodoro sa isang radio interview nitong Martes.
Tinukoy rin ng kalihim ang iba pang isyung may kinalaman sa Chinese interests sa bansa, kabilang ang paglaganap noon ng Philippine offshore gaming operators o POGOs, pagpasok umano ng substandard steel products at operasyon ng mga scam hub.
Kinuwestiyon niya kung bakit hindi umano nakapagsalita noon ang parehong mga grupo hinggil sa mga naturang isyu.
Sinabi rin ni Teodoro na dapat ding iparating ng business groups sa Beijing ang kanilang panawagan para sa restraint, lalo na sa mga aksyon ng China na nakaaapekto sa interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nauna rito, mahigit 20 business, labor, education, agriculture at iba pang organisasyon ang nanawagan sa pamahalaan na pairalin ang diplomasya at iwasan ang mga pampublikong palitan ng pahayag na maaaring lalo umanong magpalala ng tensyon sa China.
Binalaan ng mga grupo na maaaring magkaroon ng epekto sa kalakalan, investment, manufacturing, agriculture, infrastructure at iba pang sektor ang patuloy na paglala ng tensyon.
Kabilang sa mga lumagda sa joint statement ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines, Semiconductor and Electronic Industries in the Philippines Inc. at Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc.
Samantala, iginiit ni Teodoro na hindi dapat manaig ang economic considerations sa pagtatanggol sa maritime interests ng bansa.
Hinimok din niya ang pagpapalakas ng supply chain resilience, diversification ng sources at pagpapaunlad ng local industries upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa mga external source.
Nauna nang sinabi rin ni Teodoro sa ASEAN defense meetings na mahalaga ang peaceful at legal na pagresolba sa mga alitan sa South China Sea at ang pagsunod sa international law. Dave Medina