Home OPINION PAGTATAMA NG MALI AT PAGPAPALIT NG KASARIAN, MAGKAIBA

PAGTATAMA NG MALI AT PAGPAPALIT NG KASARIAN, MAGKAIBA

2
0

KAILANGAN nga bang kumuha ng medical certificate na nagpapatunay na hindi nagpa-sex change ang isang tao bago maitama ang maling kasarian na nakatala sa kanyang birth certificate? OO. At ito ay alinsunod sa Republic Act 10172.

Sa ilalim ng batas, ang anumang pagwawasto sa entry tungkol sa kasarian ay kailangang samahan ng sertipikasyon mula sa isang accredited government physician na nagpapatunay na ang petitioner ay hindi sumailalim sa sex change o sex transplant.

Halimbawa, kung ipinanganak kang lalaki ngunit nagkamaling FEMALE ang nakalagay sa iyong birth certificate, maaari itong itama sa pamamagitan ng administratibong proseso sa local civil registry alinsunod sa RA 10172.

Layunin ng batas na gawing simple at hindi magastos ang pagtatama sa ilang clerical at typographical errors sa birth certificate, gaya ng maling baybay ng pangalan, araw at buwan ng kapanganakan, at maling entry sa kasarian.

Noon, bago ipatupad ang RA 10172, sa hukuman kailangang magsampa ng petisyon para maitama ang kasarian. Kung malinaw at kitang-kita ang pagkakamali, maaaring pagbigyan ng hukom ang petisyon.

Ngunit ngayon, kailangan pang kumuha ng medical certificate mula sa accredited government physician. Bakit kailangan pa ito kung halimbawa, tatlong beses nang nanganak ang petitioner at malinaw namang babae siya? Sana ay mabago ang batas. Hindi na dapat hingin ang medical certificate kung may sapat at kapani-paniwalang ibang ebidensyang nagpapatunay sa tunay na kasarian ng isang tao.

Sa kasalukuyang patakaran, tila ipinapalagay na maaaring nagpa-sex change ang bawat aplikante kaya kailangan pa niyang patunayan na hindi ito nangyari.

Gayunman, kung ipinanganak na lalaki at nagpa-sex change, hindi siya maaaring gumamit ng RA 10172 upang palitan ang kanyang kasarian ayon sa piniling gender identity. Ang batas ay para lamang sa pagtatama ng clerical at typographical errors, hindi sa pagpapalit ng kasarian.

Paano naman ang mga intersex na ipinanganak na may dalawang sex organ? Ito ang tinutugunan ng Cagandahan Law, House Bill 5474, na naglalayong payagan silang administratibong baguhin ang sex marker at first name sa birth records.

Samantala, ang Sharmaine Bill o House Bill 9929 ay naglalayong bigyan ang transgender, intersex at non-binary Filipinos ng pagkakataong i-update ang kanilang legal na dokumento upang tumugma sa kanilang gender identity.

IBA ANG PAGTATAMA NG MALI SA BIRTH CERTIFICATE SA PAGPAPALIT NG KASARIAN. Hindi dapat pag-isahin ang dalawang magkaibang usapin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here