MANILA, Philippines – Limang hinihinalang miyembro ng isang armadong robbery group ang nasawi sa magkakasunod na engkuwentro sa mga pulis sa Bacoor City, Cavite nitong Martes ng hapon.
Ayon sa Police Regional Office 4A, nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon na may planong looban ang grupo sa Town and Country Subdivision sa Bacoor. Target umano ng mga suspek ang isang may-ari ng ginto at isang mayamang residente.
Sa hiwalay na ulat, sinabi ng Bacoor City Police na naghinala rin ang security guard ng subdivision sa mga suspek at humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Sakay umano ng motorsiklo at isang sedan ang grupo nang matunton ng mga pulis.
Tinangka ng mga operatiba na pahintuin ang mga sasakyan para sa inspeksyon ngunit, ayon sa pulisya, nagpaputok umano ang mga suspek kaya nauwi ito sa habulan.
Muling nagpaputok umano ang mga suspek habang hinahabol malapit sa Molino Flyover hanggang sa bumangga at tumaob ang kanilang sasakyan. Dalawang suspek ang nasawi sa bahaging ito ng insidente.
Dalawa pang suspek ang umano’y nang-agaw ng Honda Click motorcycle sa pamamagitan ng pagtutok ng baril at tumakas patungong Dasmariñas Road.
Naabutan sila ng mga awtoridad malapit sa Cerritos Heights, kung saan nagkaroon umano ng panibagong engkuwentro na ikinasawi rin ng dalawang suspek. Narekober naman ang inagaw na motorsiklo.
Limang suspek ang kabuuang iniulat na nasawi sa magkakasunod na insidente habang dalawa pa nilang kasamahan ang nakatakas at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Ayon naman kay Bacoor City Police chief Police Lt. Col. Alexie Desamito, matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad ang grupo dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga insidente ng panghoholdap at kidnap-for-ransom.
Walang naiulat na nasugatang pulis sa engkuwentro, bagama’t tinamaan umano ng bala ang isang sasakyan ng pulisya.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente habang nagsasagawa rin ng forensic at crime scene examination ang mga awtoridad. Mary Anne Sapico