MANILA, Philippines – Naharang ng mga awtoridad ang P1 milyong halaga ng umano’y iligal na mineral ores sa magkahiwalay na operasyon sa Barangay Dulop, Dumingag, Zamboanga del Sur mula pa noong nakaraang linggo, ayon sa report ng pulisya ngayong Miyerkules, Nobyembre 4.
Sa pinakahuling operasyon bandang 2:50 ng hapon ng Martes, naharang ng joint team ang 10-wheeler truck na may kargang 300 sako ng mineral ores kasama ang 34 sako ng ipa.
Ayon kay Police Capt. Derf Jay Maquinta, spokesperson para sa Zamboanga del Sur Police Provincial Office (ZSPPO), ang trak ay may kargang 15,000 kilo ng mineral ores na nagkakahalaga ng P535,000.
Inabandona ng drayber ng trak ang sasakyan nito at tumkakas nang makitang papalapit ang mga awtoridad at environment officers.
Kinumpirma ng deputized personnel mula sa Mines and Geosciences Bureau Region-9 (MGB-9) na ang cargo ay naglalaman ng mineral resources matapos ang inisyal na inspeksyon.
Itinurn-over ng mga awtoridad ang nakumpiskang sasakyan at cargo sa Task Force PENRO-Zamboanga del Sur bago ilipat sa MGB-9 para sa tamang legal disposition.
Noong Oktubre 31 ay narekober din ng mga awtoridad ang 379 sako ng abandonadong raw minerals na tumitimbang ng 18,950 kilo sa Purok 7, sa Barangay Dulop.
Ang mga mineral na ito ay tinatayang nagkakahalaga ng P500,000.
Itinurn-over ng mga awtoridad ang raw minerals sa Task Force PENRO-Zamboanga del Sur sa Barangay Dao, Pagadian City. RNT/JGC