Home NATIONWIDE 2 Pinoy na inalok ng libo-libong dolyar na sahod sa ibang bansa,...

2 Pinoy na inalok ng libo-libong dolyar na sahod sa ibang bansa, sinagip ng BI

1
0

MANILA, Philippines – NAHARANG at napigilang makaalis ng bansa ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Pinoy na inalok ng malaking signing bonus at buwanang sahod para magtrabaho sa ibang bansa.

Ayon sa BI, magkahiwalay na na-intercept ang dalawang lalaking pasahero noong Oktubre 24 at 27, 2026, matapos matuklasan ng mga immigration officer ang kahina-hinalang recruitment arrangements na maaaring maglagay sa kanilang buhay sa panganib.

Sa unang insidente, isang dating protection agent at security guard na kasalukuyang walang trabaho ang na-interview ng mga immigration officer. Inamin umano nitong na-recruit siya sa pamamagitan ng Facebook at kalaunan ay kinausap sa WhatsApp.

Inalok umano ang lalaki ng US$12,000 signing bonus sa oras ng kanyang pagdating sa pupuntahang bansa, bukod pa sa buwanang sahod na US$2,500. Nangako rin umano ang recruiter na sasagutin ang kanyang biyahe at iba pang gastusin.

Samantala, naharang naman noong Oktubre 27 ang ikalawang Pinoy na nagsabing magbabakasyon lamang siya sa Hong Kong at ang kanyang biyahe ay sagot ng isang kaibigan.

Subalit sa masusing pagtatanong, lumitaw na nakakita rin ito ng job advertisement sa Facebook bago inilipat ang komunikasyon sa WhatsApp.

Doon umano siya inalok ng trabahong may US$27,000 na kabayaran at buwanang sahod na US$3,000. Sinabi rin nitong wala siyang inilabas na pera para sa naturang biyahe.

Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado laban sa mga kahina-hinalang online recruitment scheme na gumagamit ng matatamis na pangako at napakalaking sahod upang makapanghikayat ng mga Pinoy.

Binigyang-diin ni Viado na hindi dapat isugal ng mga Pilipino ang kanilang buhay at kalayaan kapalit ng trabahong hindi malinaw ang pinagmulan, lalo na kung ang destinasyon ay apektado ng armadong labanan.

Ayon sa BI, bahagi ng pinaigting na kampanya nito ang pagpigil sa human trafficking, illegal recruitment at iba pang uri ng pagsasamantala sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Pinayuhan din ang mga biyahero na tiyaking lehitimo ang recruiter, employer at mga dokumento sa trabaho bago magdesisyong umalis ng bansa upang hindi mabiktima ng mga sindikatong nag-aalok ng pekeng trabaho. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here