MANILA, Philippines – Magpapakalat ang Department of Transportation (DOTr) ng 20 bus na may diskwento sa pamasahe simula Miyerkules, Nobyembre 4, para makatulong sa dumaraming pasahero ng LRT-2.
Inanunsyo ito ni Transportation Secretary Vince Dizon matapos niyang inspeksyunin ang LRT-2 Antipolo station at mapansin ang kakulangan ng mga bagon ng tren.
Ang LRT-2 ay may 13 istasyon mula Recto sa Maynila hanggang Antipolo.
Ayon kay Dizon, base sa ulat ng pamunuan ng tren, umaabot sa 4,000 ang pasahero tuwing rush hour, habang 10 tren lamang ang operational sa buong linya.
Sasama rin si Dizon sa trial run ng mga bus sa Miyerkules para personal na obserbahan ang dami ng pasahero tuwing rush hour. Lahat ng pasahero ay makatatanggap ng 20% discount sa pamasahe.
Magpapatuloy rin aniya ang konsultasyon ng DOTr sa Move As One Coalition, mga PUV franchisee, at mga local government unit para mapabuti ang mass transportation. Jocelyn Tabangcura-Domenden