MANILA, Philippines – Muling bubuksan ng Commission on Elections (Comelec) ang voter registration sa buong bansa simula Nobyembre 10 bilang paghahanda sa 2028 National and Local Elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, tatagal ang registration period hanggang Hulyo 30, 2027 upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga kwalipikadong botante na magparehistro o mag-update ng kanilang records.
Isasagawa ang regular registration mula Martes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Magkakaroon din ng registration activities sa mga nakatakdang Sabado at holidays, bukod sa mga satellite at mall registration sites.
Muli ring ilulunsad ang Register Anywhere Program at Special Register Anywhere Program sa piling lugar upang mas mapalapit ang serbisyo sa mga botanteng nahihirapang magparehistro dahil sa trabaho o iba pang dahilan.
Kabilang sa mga maaaring pagdausan nito ang piling airports, ospital at iba pang designated registration sites.
Bukod sa mga first-time voter, tatanggap din ang Comelec ng aplikasyon para sa transfer of registration, reactivation ng deactivated records, change of name o correction of entries, inclusion o reinstatement sa voters’ list at iba pang updating ng voter records.
Hinimok naman ni Garcia ang publiko na magparehistro nang maaga at huwag nang hintayin ang mga huling araw ng registration period.