MANILA, Philippines — Inamin ni columnist Ramon Tulfo na mali ang kanyang naunang impormasyon na nakalalabas at nakakabalik umano sa kulungan si dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa Facebook post nitong Huwebes, sinabi ni Tulfo na mali ang report na natanggap niya tungkol kay Romualdez.
“I was fed the wrong report that former Speaker Martin Romualdez could go in and out of jail,” ani Tulfo.
Binawi rin niya ang mga naunang alegasyon na gumagamit umano ng ambulansya si Romualdez at nagkakaroon ng brownout upang hindi makita sa CCTV ang kanyang paglabas at pagbabalik sa detention facility.
Ayon kay Tulfo, lumabas sa mga impormasyong kanyang natanggap kalaunan na hindi totoo ang mga naturang alegasyon.
“No such thing happened… It was fiction. I goofed. No excuses,” pag-amin niya.
Sinabi rin ni Tulfo na dapat sana ay sinuri at kinumpirma muna niya mula sa iba pang sources ang impormasyong natanggap bago ito inilathala.
Nauna nang umabot sa Sandiganbayan Third Division ang usapin matapos lumabas ang mga alegasyon tungkol sa detention status ni Romualdez.
Iniutos ng korte sa mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na humarap at magbigay-linaw hinggil sa kustodiya kay Romualdez.
Samantala, hiniling ng kampo ni Romualdez kay Tulfo na burahin ang kanyang mga Facebook post kaugnay ng mga binawi niyang alegasyon. RNT