MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Batangas Rep. Gerville Luistro kung nakipag-ugnayan muna ang mga abogado ni Vice President Sara Duterte kay dating University of St. La Salle (USLS) law school dean Ralph Sarmiento bago humiling ng subpoena upang iharap siya bilang testigo sa impeachment trial.
Ito ay matapos tumanggi si Sarmiento na tumestigo para sa depensa ni Duterte.
Sinabi ni Luistro nitong Huwebes na nagulat siya sa desisyon ni Sarmiento na hindi maging testigo, ngunit mas ikinagulat niya umano na hindi muna ito nakonsulta ng kampo ng bise presidente bago ihain ang mosyon.
Ayon kay Luistro, hindi kailangang konsultahin muna ang mga hostile witness bago ipatawag dahil hindi naman inaasahang susuporta ang mga ito sa panig ng prosecution.
“I was shocked as to how could they have filed this motion for issuance of subpoena without knowing first the position or the willingness of the would-be witness to testify, unless he is intended to be presented as a hostile witness, which happened to us for Gina Acosta, for Mayor Baste,” pahayag niya.
Nauna nang iniharap ng prosecution bilang hostile witnesses si dating Office of the Vice President special disbursing officer Gina Acosta at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, kapatid ng bise presidente.
Noong Miyerkules, ipinaalam ng mga abogado ni Duterte sa Senate Impeachment Court na si Sarmiento ang kanilang unang testigo upang kontrahin ang ebidensiya ng prosecution kaugnay ng Article II ng Articles of Impeachment.
Tumutukoy ang naturang artikulo sa alegasyong may hindi maipaliwanag na yaman si Duterte na hindi niya idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Si Sarmiento ay isang legal scholar na dati nang kumuwestiyon sa desisyon ng Senate Impeachment Court na baguhin ang nauna nitong pasya tungkol sa kinakailangang boto para mahatulan ang isang opisyal.
Hiniling sa kanya na tumestigo at magharap ng mga dokumentong magpapatunay sa kanyang mga kredensyal sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Nobyembre 9.
Gayunman, inanunsyo ni Sarmiento nitong Huwebes ng umaga na hindi siya tatayong testigo para sa depensa. Aniya, hindi siya maaaring maging “witness for either side.”
Ipinaliwanag niyang nais niyang mapanatili ang kalayaan ng kanyang pag-aaral tungkol sa konstitusyon at ang pagiging patas ng kanyang mga legal na opinyon.
Nagpasalamat naman siya sa kampo ni Duterte sa pagkilala sa halaga ng kanyang mga pagsusuri sa konstitusyon at batas na ibinahagi niya sa social media. Hindi umano niya inaasahang “might potentially become part of the impeachment proceedings” ang kanyang mga pananaw.
Sinabi naman ni Atty. Michael Poa, miyembro at tagapagsalita ng defense panel, na iginagalang nila ang desisyon ni Sarmiento na tanggihan ang imbitasyon.
Orihinal na apat na alegasyon ang inilagay ng prosecution sa Articles of Impeachment laban kay Duterte. Ngunit noong Oktubre 13, bago pansamantalang itinigil ang paglilitis, sinabi ni Luistro na babawiin nila ang tatlo sa apat na artikulo at iiwan lamang ang Article II.
Bagama’t iginiit ng prosecution na magkakapantay ang lakas ng lahat ng alegasyon, inamin nitong mas pinapaboran ng pananaw ng publiko ang Article II dahil hindi umano nagsisinungaling ang mga numero.
Noong Oktubre 30, sinabi rin ni Luistro sa isang online interview na ang mga dokumentong ginamit ng prosecution bilang ebidensiya laban sa bise presidente ay nagmula mismo sa kampo ni Duterte.
Kabilang dito ang mga opisyal na deklarasyon ng bise presidente gaya ng kanyang SALN, mga rekord sa bangko at buwis mula sa Bureau of Internal Revenue at Anti-Money Laundering Council, at mga dokumento tungkol sa kanyang mga interes sa negosyo mula sa Securities and Exchange Commission.
Batay sa mga dokumentong ito, napagpasyahan ng prosecution witness na si forensic financial analyst Atty. Alexander Cabrera na hindi idineklara ni Duterte ang hindi bababa sa P817.8 milyon na halaga ng yaman sa kanyang mga SALN mula 2022 hanggang 2025. RNT/MDS