Home NATIONWIDE Zero budget sa 30 ‘poor municipalities’ sa pagtatayo ng silid-aralan, pinalagan  

Zero budget sa 30 ‘poor municipalities’ sa pagtatayo ng silid-aralan, pinalagan  

5
0

MANILA, Philippines – Matinding pinalagan ni Senador Pia Cayetano ang hindi makatarungan at hindi pantay na alokasyon ng pondo sa pagpapatayo ng silid-aralan sa kanayunan o lugar na malala ang kakulangan partikular sa mahihirap na munisipalidad.

Sa pahayag pagkatapos matuklasan na may 30 mahihirap na munisipalidad ang walang kahit isang singkong-duling na inilaan ang pamahalaan sa pagtatayo ng silid-aralan pero may malalaking pondo sa lugar na sobra ang pangangailangan kaysa iba.

Ayon kay Cayetano, ‘’maraming komunidad pa rin sa buong bansa ang kulang sa silid-aralan. Ngunit hindi pare-pareho ang pangangailangan sa bawat lugar. May mga lugar na mas malala ang kakulangan kaysa sa iba. Dahil limitado ang pondo ng gobyerno, dapat nating tiyakin na ang mga silid-aralan ay itinatayo kung saan ito higit na kailangan.”

Ibinulgar ng EDCOM II na mahigit kalahati ng mga local government units (LGUs) na may pinakamatinding kakulangan sa silid-aralan ang hindi nakatanggap ng pondo para sa karagdagang classrooms sa ilalim ng 2027 budget.

“Habang 9 sa 10 first-class LGUs ang nakatanggap ng pondo, halos kalahati lamang ng fifth-class LGUs ang nabigyan. Sa kabila ng pangangailangan ng kabuuang 356 na silid-aralan, tatlumpung mahihirap na munisipalidad ang hindi man lang nabigyan ng pondo,” ayon kay Cayetano.

Ngunit ang kakulangan sa silid-aralan, aniya, hindi lamang problema ng mga mahihirap o malalayong komunidad. “Maging ang ating mga lungsod ay nahihirapang makasabay sa dumaraming bilang ng mga estudyante.”

“Maraming paaralan na ang may 2 hanggang 3 shift ng klase bawat araw. Tinataya rin ng United Nations na pagsapit ng 2050, 2 sa 3 tao ay maninirahan na sa mga urban center,” aniya.

“At habang mas maraming tao ang lumilipat sa mga lungsod, patuloy na lalaki ang pangangailangan para sa mga silid-aralan,” dagdag niya.

Ayon kay Cayetano, dapat tugunan ang lumalaking pangangailangang ito nang hindi nakakalimutan ang mga komunidad sa malalayong lugar na kulang din sa batayang pasilidad ng paaralan.

“Habang sinusuri ng Senado ang panukalang 2027 national budget, masusing titingnan natin kung paano ipinamamahagi ang pondo para sa silid-aralan,” ani Cayetano.

Kailangan natin ng updated at maaasahang impormasyon kung saan pinakakailangan ang mga silid-aralan, ilan ang inaasahang mag-e-enroll, at aling mga komunidad ang mangangailangan ng mas maraming silid-aralan sa mga susunod na taon, paliwanag niya.

“Dapat din nating isipin ang higit pa sa kasalukuyang kakulangan. Ang ating pagpaplano sa badyet ay dapat isaalang-alang kung ano ang kakailanganin ng ating mga paaralan at komunidad sa hinaharap,” giit pa niya.

“Dapat malinaw ang ating layunin: walang batang dapat maiwan dahil lamang sa kung saan siya nakatira o nag-aaral. Dapat nating tiyakin na ang pondo ng bayan ay napupunta kung saan ito higit na kailangan at ang bawat batang Pilipino ay may maayos na silid-aralan na matututunan,” ayon sa mambabatas mulang Taguig. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here