MANILA, Philippines – Umabot na sa “very strong” intensity ang El Niño sa tropical Pacific, na nagpapataas sa posibilidad ng kakulangan sa ulan at tagtuyot sa ilang bahagi ng Pilipinas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa pahayag nitong Huwebes, Nobyembre 5, sinabi ng PAGASA na inaasahang maaabot ng El Niño ang pinakamataas na lakas bago matapos ang 2026. Posible namang magpatuloy ang epekto nito hanggang sa unang kalahati ng 2027.
Ayon sa ahensya, nagdudulot ang El Niño ng mas mataas na posibilidad ng mas mababang antas ng pag-ulan na maaaring humantong sa dry spell at tagtuyot sa mga apektadong lugar.
Gayunman, maaari pa ring magkaroon ng malalakas na pag-ulan dahil sa pagdaan ng mga bagyo at iba pang weather system na nagdadala ng ulan.
Sa pinakahuling drought assessment ng PAGASA, limang lalawigan ang nakaranas ng meteorological drought noong Oktubre 2026, habang 11 lalawigan ang nakaranas ng dry spell at 10 iba pa ang nakapagtala ng dry conditions.
Para sa Nobyembre, inaasahan ang below-normal hanggang way-below-normal na pag-ulan sa karamihan ng mga lugar sa bansa. Posible ring makaranas ng meteorological drought o dry spell ang ilang lalawigan bago matapos ang buwan.
Inaasahan din ang mas mataas sa karaniwang temperatura ng hangin sa karamihan ng bahagi ng bansa ngayong Nobyembre.
Hinimok ng PAGASA ang publiko at mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño.
Partikular na binigyang-diin ng ahensya ang pagtitipid ng tubig at mahusay na pamamahala sa mga pinagkukunan nito. RNT/MDS