MANILA, Philippines – Muling nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag balewalain ang mga sintomas ng dengue kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng sakit na nakukuha sa kagat ng lamok.
Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng katawan o kalamnan, panghihina, pagsusuka, pagdurugo ng gilagid o ilong, at pagkakaroon ng mga pantal sa katawan.
Ayon sa DOH, mahalaga ang maagang pagkonsulta sa health center o health facility upang maiwasan ang malubhang komplikasyon na maaaring magdulot ng pagkamatay.
Hinimok din ng ahensya ang publiko na sundin ang 4Ts na kinabibilangan ng taob, taktak, tuyo at takip upang maiwasan ang pagdami ng mga lamok at makatulong sa pag-iwas sa dengue.
Sa Maynila, batay sa datos ng Manila Health Department, umabot na sa 4,579 ang kaso ng dengue ngayong taon, kung saan 13 ang nasawi.
Dahil dito, puspusan ang Manila LGU sa pagsasagawa ng mga hakbang sa paglilinis at paghikayat sa publiko na magpakonsulta sa doktor kapag may posibleng sintomas ng dengue. Jocelyn Tabangcura-Domenden