MANILA, Philippines – Tatlong lugar sa bansa ang posibleng makaranas ng dangerous heat index sa Biyernes, Nobyembre 6, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa pinakahuling forecast ng PAGASA, maaaring umabot sa 43°C ang heat index sa Coron, Palawan.
Inaasahan naman ang 42°C na heat index sa Dipolog City at Butuan City.
Ayon sa PAGASA, ang heat index ay tumutukoy sa antas ng init na nararamdaman ng katawan batay sa pinagsamang epekto ng temperatura at humidity.
Itinuturing na nasa danger category ang heat index na mula 42°C hanggang 51°C.
Nagbabala ang PAGASA na ang matagal na pagkakalantad sa ganitong kondisyon ay maaaring magdulot ng heat cramps at heat exhaustion, at posibleng mauwi sa heat stroke.
Samantala, inaasahang nasa extreme caution category ang heat index sa Iloilo City, Dumangas sa Iloilo, at Zamboanga City, kung saan maaaring umabot sa pagitan ng 33°C at 41°C.
Sa Metro Manila, tinatayang aabot sa 37°C ang heat index sa Pasay City at 36°C naman sa Quezon City.
Pinapayuhan ang publiko na umiwas sa matagal na pagbabad sa araw, uminom ng sapat na tubig at magpahinga sa malamig o may lilim na lugar kung kinakailangan. RNT