IPINABABASURA ng Senate Impeachment Court (SIC) ang petisyon nina Senator Judge Bong Go at Robin Padilla, kasama ang iba pa, sa Supreme Court (SC) na ibasura ang 14 boto na minimum na bilang ng senator-judges para madeklarang guilty si Vice President Sara Duterte at maalis na rin sa pwesto.
Sentro ng usapin ang tadhana ng Article XI, Section 3(6) ng 1987 Saligang Batas na nagsasabing, “Walang sinomang tao ang mapaparusahan nang walang pagsang-ayon ng dalawa sa tatlong bahagi (two-thirds) ng lahat ng mga Miyembro ng Senado.”
Para kina Go, nangangahulugang 16 ang kinakailangang boto o voting threshold para sa deklarasyong guilty at nababatay ito sa “lahat ng miyembro ng Senado” na 24 senador habang para sa SIC, 14 lamang batay sa 20 dumadalo sa paglilitis.
PAGLILINAW NINA GO
Para kina Go, mandatoryo ang probisyon ng Article XI, Section 3(6) at wala nang kailangang interpretasyon o pakahulugan na iba at ipatupad na lamang ang 16 boto para sa conviction o deklarasyong guilty si VP Sara akusasyong may “Hindi maipaliwanag na yaman ito” (ang natitirang kaso).
Hindi mahalaga kung absent o ‘di nakasasali sa paglilitis ng senator-judges.
Nakagawa umano ang SIC ng grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction (sobra-sobra o maling paggamit ng kapangyarihan ng hukom o hukuman), kaya dapat mapawalambisa umano ang desisyon ng SIC noong Setyembre 23, 2026 na nagbababa sa 14 ang voting threshold at hindi 16.
Nilabag din SiC ang due process nang biglang baligtarin nito ang naunang desisyong noong Hulyo 6 na kailangan ang 16 boto para sa conviction.
Hiniling na rin nina Go na maglabas ang SC ng Temporary Restraining Order (TRO) o pansamantalang pagtigil nang paglilitis habang dinirinig nito ang petisyon nila at Status Quo Ante Order (SQAO) o pagbabalik ng lahat ng sitwasyon bago magkaroon ng kontrobersya.
PARA NAMAN SA SIC
Para naman sa Senate impeachment Court na kinatawan ng Office of the Solicitor General, dapat umanong ibasura ng SC ang petisyon nina Go sa mga dahilang maaga pa (walang pang desisyon ang impeachment court kung guilty o hindi si VP Sara) at kawalan ng merito o sustansya nito.
Dahil sa mga ito, dapat na wala na ring mailalabas na TRO at SQAO.
Itinuturing ding kwestiyong pulitikal na hindi dapat pakialaman ng SC ang voting threshold dahil nasa ilalim ito ng eksklusibong hurisdiksyon ng SIC…at kung ganoon, wala ring nagawa ang SIC na sobra-sobra o maling paggamit ng kapangyarihan.
Walang malinaw na ligal na karapatan sina Go na magsampa ng petisyon lalo’t hindi umano kasama mismo si VP Sara na siyang isinasakdal.
MGA KATANUNGAN
Kung hindi mag-iisyu ang SC ng TRO o SQAO o ng maagang deklarasyon ng kawalan ng ligal na karapatan nina Go na magpetisyon at wala pa sa oras ang petisyon, malamang na gagawa na ito ng desisyon sa merito o sustansya sa kaso.
Idedeklara bang tama ang 14 voting threshold o ang 16?
Makapaglalabas ba ng desisyon ang SC bago magkaroon ng botohan sa SIC?
Sana naman hindi magaganap ang “Justicie delayed is justice denied.”






