Home NATIONWIDE Hontiveros tinukoy posibleng ‘red flags’ sa panukalang 2027 budget

Hontiveros tinukoy posibleng ‘red flags’ sa panukalang 2027 budget

3
0

MANILA, Philippines – Tinukoy ni Sen. Risa Hontiveros ang ilang bahagi ng panukalang 2027 national budget na aniya’y dapat bantayang mabuti habang nagpapatuloy ang deliberasyon sa Senado.

Kabilang dito ang posibleng pagbabawas sa pondo ng Department of Health (DOH) para sa immunization at pagpapaunlad ng health facilities sa bansa.

“Ang magiging red flag sa ganitong mga budgets ay kung babawasan halimbawa ‘yung budget ng DOH para sa immunization o di kaya para sa patuloy na pagbuo ng health facilities system dito sa ating bansa,” ani Hontiveros.

Iginiit din ng senador na dapat tiyaking sapat ang pondo para sa full implementation ng universal healthcare sa pamamagitan ng DOH at Philippine Health Insurance Corporation.

Nagbabala rin si Hontiveros laban sa pagtanggal ng government counterpart funding para sa foreign-assisted projects at paglilipat nito sa unprogrammed appropriations.

Ayon sa senador, naging problema na umano ang ganitong hakbang sa mga nakaraang budget at hindi na dapat maulit, lalo na sa gitna ng mga imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa flood control projects.

Bilang sponsor ng budget ng Department of Environment and Natural Resources at Department of Social Welfare and Development, sinabi rin ni Hontiveros na isusulong niya ang sapat na pondo para sa kanilang mga programa.

“Isusulong ko talaga na maging Super El Niño-ready at responsive ang DENR budget,” ani Hontiveros.

Nais din niyang mapondohan nang sapat ang mga programa ng DSWD gaya ng LAWA at BINHI na nakatuon sa water development, conservation at kabuhayan.

Samantala, sinabi ni Hontiveros na nasa humigit-kumulang P7 bilyong halaga ng budget line items, programs, activities at projects ang natukoy ng Senado na kulang umano sa sapat na supporting documents o justification.

Kabilang dito ang mga item na walang program of works, letters of request, resolutions, ordinances o approval mula sa local development councils.

Sinabi ni Hontiveros na ipagpapatuloy ng Senado ang mga reporma sa budget process, kabilang ang pagbubukas ng budget hearings sa civil society groups at pagpapalawak ng partisipasyon ng publiko. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here