Home NATIONWIDE Pagkakaroon ng personal aide ni Romualdez sa QC jail paiimbestigahan ng Malakanyang

Pagkakaroon ng personal aide ni Romualdez sa QC jail paiimbestigahan ng Malakanyang

2
0

MANILA, Philippines – PARA sa Malakanyang kailangan ang mas malalim na imbestigasyon kaugnay sa kung bakit pinayagan na magkaroon ng 24/7 na personal staff member si dating Speaker Martin Romualdez para asistihan siya sa loob ng Quezon City Jail.

Nauna rito, kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na may personal staff si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez na nananatili sa loob ng kaniyang selda sa New Quezon City Jail upang tumulong sa kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa pagdinig sa Sandiganbayan nitong Huwebes, sinabi ni Jail Warden Lourdes Pacion na pinayagan niya ang presensya ng personal staff dahil, batay sa kaniyang pagtatasa, hindi pa umano matatag ang mental state ni Romualdez. Dagdag niya, bahagi ito ng humanitarian consideration dahil hindi kayang tugunan ng jail personnel ang lahat ng personal na pangangailangan ng kongresista.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang pagtrato kung mapatutunayan ay masasabing “extravagance,” at dapat na hindi pinapayagan.

“Ayaw ko kasi mag-speculate dahil hindi po natin batid kung ano ang pinagmulan, hindi din natin alam kung ano ba ang kondisyon ng kalusugan ni former Speaker Martin Romualdez kung bakit may kailangan siya na dapat nakatutok sa kaniya 24/7,” ang winika ni Castro.

“So, sa ngayon kailangan pong mas malalim na pag-iimbestiga bakit kailangan na may 24/7 na naka-assign na special aide si former Speaker Martin Romualde,” aniya pa rin.

Samantala, pinuri naman ni Castro ang retiradong kolumnista na si Ramon Tulfo sa naging pag-amin nito sa pagpapakalat niya ng false information ukol sa sinasabing nakalalabas siya sa kulungan.

Sa Facebook post, humingi ng paumanhin si Tulfo at sinabing ikinahihiya niya ang pagpapakalat ng impormasyong kalaunan ay napatunayang hindi totoo.

Ayon kay Tulfo, nakatanggap siya ng maling impormasyon mula sa kanyang “tweety bird” o impormante, kabilang ang alegasyong ­gumagamit umano ng ambulansya si Romualdez at sinasamantala ang mga brownout upang makalabas at makabalik sa kulungan nang hindi namamalayan.

“Worse, I passed it on to my readers. Embarrassing and humiliating because my readers trust me and took me on my word,” ani Tulfo.

Para kay Castro, ang pag-amin ni TUlfo ay kapuri-puri at magsilbing halimbawa sa iba.

“Sa ipinakitang gesture ni Mr. Ramon Tulfo masasabi nating napaka-professional niya dahil ito namang ibinahagi niya ay hindi naman din nanggaling sa kaniya, nagkataon na siya lang iyong nag-release pero mayroon siyang ‘tweety bird’ mayroong siyang ‘bubwit’ mayroon siyang tagakuwento,” ang tinuran ni Castro.

Ang ginawa aniya ni Tulfo ay “very professional” at umaasa na ang ibang tao na nagpapakalat ng maling balita o fake news ukol sa gobyerno at mga lider ng bansa ay aamin din ng kanilang pagkakamali.

“Minsan kasi sila pa iyong matapang kapag pinupunan mo na mali. So, sana maging modelo si Mr. Ramon Tulfo ng iba pa na sanay na sanay mag-fake news,” diing pahayag ni Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here