MANILA, Philippines – Muling pinagtibay ni Senate Energy Committee Chairman Erwin Tulfo at ng Philippine delegation sa panguguna ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian ang pangako ng pamahalaan ng Pilipinas na makipagtulungan sa Japan upang matiyak ang seguridad sa enerhiya at decarbonization sa bansa.
Sa ginanap na Japan-ASEAN Inter-Parliamentary Exchange noong Biyernes, pinuri ni Tulfo ang paggamit ng Japan ng agham upang matiyak ang seguridad ng suplay ng langis at gas sa pamamagitan ng Economic Research Institute for ASEAN and East Asia (ERIA).
Binigyang-diin ni Tulfo ang mahalagang papel ng ERIA sa pagpapaunlad ng Philippine National Oil Company (PNOC) Industrial Park, ang 530-ektaryang industrial park na magsisilbing sentro ng investments para sa enerhiya, logistics, at mabibigat na industriya.
“Kailangan ng Pilipinas ang pagiging dalubhasa ng Japan sa pagtatayo at pagpapanatili ng matatag na imprastraktura ng enerhiya. Malaki po ang pasasalamat namin sa Japan sa pagiging maaasahang katuwang nito lalo na pagdating sa energy security” anang Tulfo sa kanilang Japan counterparts sa naturang pag-uusap.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Senate President Gatchalian sa pamahalaan ng Hapon para sa patuloy na ambag nito sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sang-ayon dito si Senate Majority Leader at Senate Foreign Relations Committee Chairman Juan Miguel “Migz” Zubiri, kung saan binigyang-diin niya ang tulong ng Japan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Mindanao, pati na rin ang suporta nito sa pagtatanggol sa pambansang soberanya ng Pilipinas.
Samantala, nagpasalamat din si Senate Agriculture, Food and Agrarian Reform Committee Chairman Francis “Kiko” Pangilinan sa kanilang mga Japan counterparts para sa patuloy na pagtutulungan sa pagpapalago ng sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng agri-tech cooperation.
Bilang Tagapangulo ng Senate Energy Panel, tiniyak ni Tulfo sa mga delegado na ang kanyang komite ay nananatiling nakatuon sa pagpapabilis ng mga polisiyang magpapatibay sa energy resiliency and sustainability.
“Maliban po sa energy security, tuloy-tuloy din tayo sa pakikipagtulungan sa Japan para sa unti-unting paglipat sa Renewable Energy. Alam naming sa tulong ng Japan, mas mapapakinabangan ang potensiyal ng sektor ng renewable energy ng Pilipinas,” dagdag ni Tulfo.
Sa nasabi opisyal na pagbisita, nakipagpulong din si Tulfo at ang delegasyon ng Pilipinas sa pamunuan ng Japan International Cooperation Agency (JICA)—ang pinakamalaking official development assistance partner ng Pilipinas.
Sa pagpupulong kasama ang JICA, tiniyak ng Tagapangulo ng Senate Finance Panel Joseph Victor “JV” Ejercito ang suporta ng Senado sa pamamagitan ng pagtiyak na may sapat na counterpart funding para sa mga proyekto ng JICA sa 2027 National Budget.
Kabilang sa delegasyon ng Senado na lumahok sa opisyal na pagbisita sa Japan para sa ika-70 anibersaryo ng ugnayan ng Japan at Pilipinas sina Senate President Gatchalian, Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri, at mga Senador Manuel “Lito” Lapid, Raffy Tulfo, Erwin Tulfo, Joseph Victor “JV” Ejercito, Francis “Kiko” Pangilinan, at Mark Villar. Nagsagawa rin ang delegasyon ng mga talakayang bilateral sa mataas na antas kasama ang JICA, ang Japan-Philippines Parliamentary Friendship League, at si Japanese Foreign Minister MOTEGI Toshimitsu. Ernie Reyes