Home NATIONWIDE PBBM, MILF leaders tinalakay mga natitirang hakbang sa pangmatagalang kapayapaan

PBBM, MILF leaders tinalakay mga natitirang hakbang sa pangmatagalang kapayapaan

1
0

MANILA, Philippines – ISA pang mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro ang isinulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. makaraang makipagpulong sa mga lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang talakayin ang pagpapatuloy ng kasunduang pangkapayapaan at pagtupad sa mga natitira pang pangako ng dalawang panig.

Sa pulong nina Pangulong Marcos at MILF Chairman Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim, tinalakay ang mga hakbang upang ganap na maipatupad ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at mapabilis ang pag-unlad ng rehiyon.

Sa press briefing sa Malakanyang, araw ng Biyernes, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na muling tiniyak ni Chairman Murad ang matibay na pangako ng MILF na ipagpapatuloy ang proseso ng kapayapaan at ang buong pagpapatupad ng CAB.

Tinalakay rin ang pagpapabilis ng mga programang magbibigay ng trabaho, kabuhayan at mas maayos na pamumuhay sa mga mamamayan, gayundin ang pagkumpleto sa ikaapat at huling yugto ng decommissioning ng mga mandirigma ng MILF sa 2027.

Ayon kay Castro, kapwa nangako ang pamahalaan at MILF na tatapusin ang mga natitira pang obligasyon at lalagdaan ang Exit Agreement bago matapos ang termino ni Pangulong Marcos.

Binigyang-diin din ni Castro na hindi lang pagtupad sa kasunduan ang layunin ng mga hakbang na ito, kundi ang pagbibigay ng mas ligtas at magandang kinabukasan sa mga pamilyang matagal nang naghahangad ng kapayapaan at kaunlaran.

Nagkasundo rin ang dalawang panig na patuloy na magtulungan upang malutas ang mga hamon sa pagpapatupad ng kasunduan at matiyak na matutupad ang lahat ng napagkasunduan.

Sinabi ni Castro na ang tunay na kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng labanan. Kailangan din itong makita sa ligtas na pamayanan, maayos na kabuhayan, pagkakaisa at pag-unlad na mapapakinabangan ng susunod na henerasyon.

Noong nakaraang linggo, dumalo rin si Pangulong Marcos sa unang sesyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliament sa Cotabato City, na tinawag niyang mahalagang yugto sa proseso ng kapayapaan sa bansa.

Sa unang sesyon, sinimulan ng 80 halal na miyembro ang pagbuo ng unang regular na Bangsamoro Parliament.

Idinaos naman noong Setyembre 14, 2026 ang unang regular na halalan sa BARMM Parliament, na nagbigay-daan sa mas malawak na demokratikong pamamahala at patuloy na pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here