MANILA, Philippines – HINIKAYAT ng Malakanyang ang publiko na panatilihing simple lang ang mga holiday celebrations lalo na ang Christmas party habang patuloy ang paghahanda ng gobyerno sa Super El Niño.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi man ipag-utos ng Malakanyang na gawing simple ang Christmas party subalit magsisilbi itong paalala na dahil mayroon pa ring austerity measures ay makabubuti na gawing simple ang christmas party.
“Hanggang ngayon po nandoon pa rin ang austerity measures na dapat ipinatutupad. Kaya ang dapat ng mga Christmas parties ay hindi man natin ipag-utos, pero ang reminder is dapat na maging simple dahil mas maraming pa tayong kakaharapin na mga issues na dapat na matugunan,” ang winika ni Castro.
Binigyang diin ni Castro ang patuloy na paghahanda ng mga ahensiya ng gobyerno sa epekto ng Super El Niño, kabilang na rito ang tag-tuyot at ang posibleng water supply interruptions.
Sa kabilang dako, inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nananatiling malakas ang presensya ng Super El Niño sa Tropical Pacific.
Sa pahayag ng PAGASA noong Huwebes, Nobyembre 4, binanggit ding inaasahan pang umigting ang nararamdamang Super El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Kinilala rin ng ahensya na mababa ang tiyansa ng pag-ulan sa kasagsagan ng El Niño.
Kaya posible itong magresulta a dry spells at drought sa iba’t ibang parte ng bansa.
Ngunit nilinaw din ng PAGASA na posible pa rin ang mabigat na daloy ng pag-ulan dahil sa pagtama ng tropical cyclones at iba pang pag-ulan sa bansa.
Matatandaang, inilatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga paghahanda ng pamahalaan laban sa matinding El Niño, kabilang ang pagtiyak sa suplay ng gamot sa mga ospital, pagkain at tubig, tulong sa mga magsasaka, at pagpapatuloy ng klase sa kabila ng matinding init.
Sinabi ng Pangulo na unang tinututukan ang kahandaan ng mga ospital upang matiyak na may sapat na kuryente, gamot at kagamitang medikal.
Tiniyak din ng Pangulo na sapat ang suplay ng bigas sa kasalukuyang panahon ng anihan, ngunit kailangang paghandaan ang susunod na panahon ng pagtatanim.
Ayon sa Pangulo, tuturuan ang publiko kung paano mag-ipon at maglinis ng tubig upang maiwasan ang mga sakit. Magsasagawa rin ng cloud seeding upang makatulong na magdulot ng ulan. KRIS JOSE