MANILA, Philippines – Magdadala ng mga pag-ulan ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa ilang bahagi ng bansa ngayong Sabado, Nobyembre 7, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa weather forecast nitong alas-4 ng hapon, sinabi ng PAGASA na magdudulot ang amihan ng maulap na kalangitan at mahinang pag-ulan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao at Aurora.
“At para po sa ating forecast, magpapatuloy pa rin na makaka impluwensya sa atin itong hanging amihan at bukas ay mas lalakas pa po ito,” ayon kay PAGASA weather specialist John Manalo.
Makararanas din ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan at mahihinang pag-ulan ang Ilocos Region at iba pang bahagi ng Cordillera Administrative Region. Wala namang inaasahang malaking epekto ng mga kondisyong ito.
Samantala, magdadala ang easterlies o hanging nagmumula sa Pacific Ocean ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Eastern Visayas, Caraga, Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro at Davao Oriental.
Inaasahan din ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rains o thunderstorms sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.
Nagbabala ang PAGASA na posibleng magkaroon ng biglaang pagbaha o landslide kapag may malalakas na thunderstorm.
Samantala, namataan ang tropical depression sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), may layong 2,895 kilometro silangan ng Northern Luzon.
Bandang alas-2 ng hapon, taglay nito ang maximum sustained winds na 55 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 70 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
“Sa ating analysis, ay unti-unting nadadagdagan yung chance na pumasok ito ng Philippine area of responsibility dahil sa nakakaimpluwensya sa kanya na high pressure area,” ani Manalo.
Idinagdag niyang posibleng umabot sa typhoon category ang sama ng panahon.
“Hindi naman po natin itong nakikita na makakaapekto directly sa anumang parte ng ating bansa,” aniya. RNT/MDS