MANILA, Philippines – Sinabi ni dating senador Richard Gordon nitong Biyernes, Nobyembre 6, na nagsisilbing paalala sa mga lider sa buong mundo ang pagkatalo ng Republican Party sa midterm elections sa United States noong Nobyembre 3 na dapat laging unahin ang pangangailangan ng mamamayan.
Ayon kay Gordon, dapat matuto ang mga lider sa Pilipinas sa pagkatalo ng Republicans, na makikita umano sa mga puwestong nawala sa partido sa Senado at House of Representatives ng US.
“Let’s learn from the setback. Leaders should never forget that the welfare of the people is the most important part of their jobs, not their personal interest,” pahayag ni Gordon.
Binanggit ng dating chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na nag-iimbestiga sa mga iregularidad at korapsiyon sa pamahalaan, ang paggastos ng administrasyong Trump ng pondo ng publiko para sa pagpapatayo ng bagong ballroom sa White House, triumphal arch at pagsasaayos ng reflecting pool bilang posibleng dahilan ng pagkatalo ng Republicans.
Ayon kay Gordon, sumisimbolo ang mga proyektong ito sa maling prayoridad habang nahihirapan ang mga ordinaryong mamamayan sa pagtugon sa kanilang pangunahing pangangailangan.
Itinuro rin niya ang pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, mahal na presyo ng gasolina at limitadong access sa serbisyong pangkalusugan bilang mga problemang nagpapabigat sa mga pamilyang Amerikano.
“The election results in the United States stood out because of the people who are suffering from high gas prices, exacerbated by corruption, and lack of access to health care,” aniya.
Binigyang-diin ni Gordon na hindi sapat ang kapangyarihan at impluwensiya sa politika kung walang konkretong resulta. Aniya, dapat sukatin ang mga lider batay sa kung napapabuti nila ang buhay ng mga mamamayan.
“The people must always come first,” giit niya.
Sa naturang midterm elections, nagwagi ang Democrats at muling nakontrol ang Kongreso ng US. Iniuugnay ang resulta sa pagtutol ng mga botante sa administrasyon ni US President Donald Trump, kasabay ng kontrobersiya sa digmaan laban sa Iran, pagtaas ng presyo ng gasolina at patuloy na pagmahal ng mga bilihin. RNT/MDS