Home METRO Mag-asawa, 1 empleyado ng pet crematorium, kinasuhan sa pagtatapon ng 25 labi...

Mag-asawa, 1 empleyado ng pet crematorium, kinasuhan sa pagtatapon ng 25 labi ng hayop

1
0

BULACAN, Philippines – Kinasuhan sa City of San Jose del Monte Prosecutor’s Office ang mag-asawang nagpapatakbo ng pet crematorium at isa nilang manggagawa kaugnay ng pagtatapon ng 25 patay na alagang hayop sa lungsod noong nakaraang linggo.

Natukoy ang tatlong suspek matapos ang imbestigasyon ng San Jose del Monte police. Ayon kay Police Col. Nelson Sardin, hepe ng pulisya sa lungsod, kusang sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-asawa noong Huwebes, Nobyembre 5.

Sinabi ni Sardin na nagsampa ng kaso laban sa tatlo noong Miyerkules, Nobyembre 4, dahil sa paglabag sa Code of Sanitation ng lungsod, Ecological Solid Waste Management Act at Sanitation Code of the Philippines. Tumanggi siyang pangalanan ang mga suspek.

Sa kanilang pagsuko sa NBI, inamin ng mag-asawa ang pagkakasangkot sa pagtatapon ng 25 patay na alagang hayop sa Barangay Minuyan Proper noong Oktubre 29. Gayunman, hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang partikular na papel ng bawat suspek sa insidente.

Isinisi ang pagtatapon sa isang pet crematorium na nakabase sa Bacoor, Cavite, na inatasang mag-cremate sa mga hayop.

May ilang pet owner na ring naghain ng reklamo laban sa naturang kompanya at naghahanda ring magsampa ng kaso laban sa mag-asawa.

Una nang iniutos ni San Jose del Monte Mayor Florida Robes ang pagsasampa ng reklamo laban sa tatlong suspek na pawang residente ng lungsod.

Noong Huwebes, Nobyembre 5, hinimok ng City Information Office ang mga may-ari ng mga itinapong alagang hayop na kunin ang mga labi ng kanilang mga alaga para sa wastong pagtatapon.

Limang patay na hayop na narekober sa Barangay Minuyan 5 ang natagpuan sa loob ng mga sako na may mga pangalang “Oreo,” “Milo,” “Bubbles,” “Mookie (5 kg),” at “Ceasar (3.9 kg).”

Binigyan ng City Veterinary Office ang mga may-ari hanggang Nobyembre 11 upang kunin ang mga labi. Kapag walang umangkin, ililibing ng tanggapan ang mga hayop.

Samantala, iniulat din ng Animal Kingdom Foundation (AKF) na nakakita ito ng 46 pang patay na alagang hayop sa loob ng mga sako na itinapon sa Barangay Gaya-gaya. Dahil sa matinding pagkabulok ng mga ito, inilibing sila ng foundation sa pakikipag-ugnayan sa city environment office at San Jose del Monte police.

Ayon kay Sardin sa Inquirer, walang kaugnayan sa kontrobersiya ng cremation ang mga bagong nadiskubreng hayop. Sinabi rin niya at ng AKF na nahaluan ng bituka ng baboy at manok ang mga labi.

Nagpahayag naman ng matinding pagkabahala ang Philippine Veterinary Medical Association (PVMA) sa umano’y maling pagtatapon ng mga labi ng hayop.

Nanawagan si Dr. Voltaire Basinang, provincial veterinarian ng Bulacan at bise presidente ng PVMA, na amyendahan ang Animal Welfare Act upang matugunan ang pangangasiwa at pagtatapon sa mga patay na alagang hayop.

“The law only provides for the care and protection of live animals and pets, but not about anything when they are dead,” aniya.

Iminungkahi rin ni Basinang na payagan ang mga pet owner na masaksihan ang proseso ng cremation upang matiyak na talagang isinasagawa ang serbisyong kanilang binayaran.

“There should be family viewing rites, and the cremation must be witnessed in real time by the pet owners. This will be an assurance of the genuineness of the cremation,” dagdag niya.

Magsasagawa rin ang PVMA ng sarili nitong independiyenteng imbestigasyon sa insidente. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here