WALA ba kayong nahahalata sa mga ginagawang rally ngayon?
May maiingay na dalawang grupo at laging ang Malakanyang ang kanilang nira-rally.
Laban kay Pangulong Bongbong Marcos at administrasyon nito…laban sa mga pulis.
Ngunit laging magkahiwalay ang dalawang grupo.
‘Yung isang grupo, maraming pulang bandila…’yung isa, may mga pulang bandila rin ngunit bibihira.
Ang mga rally ay mukhang pagpaparamdam nila na sila ang malalakas at tamang grupo para sa malawakang pagbabagong pulitikal, ekonomiya at panlipunan.
Sila ang gustong umupo sa poder at hindi sina Marcos o iba pa, gaya nina Vice President Sara Duterte.
Pero bakit kaya sila laging magkahiwalay at nagkakanya-kanya sa rally, sa lakad.
Teka nga pala, may umuugong na balita.
Nagkakaisa ang dalawang grupong ito para pabagsakin si VP Sara…at makaraang babagsak si VP Sara, isusunod naman nilang pabagsakin si PBBM.
Sa bibig nila lumalabas na kaya nilang muling bumuo ng people power para magkaroon ng malawakang pagbabago ngunit tila mag-aagawan sa pwesto ang mga ito.
Sa ngayon, sa kabila ng giyera nila sa mga Marcos, nakapagtatakang itinuturing silang pakner ng mga Marcos sa pagpapabagsak kay VP Sara.
Ngunit malinaw na may sarili ring tindig ang grupong Marcos at isa rito ang pagtataglay ng pinakamalakas na kapangyarihan para magpatuloy sa poder kahit pa laban sa dalawang grupo…hindi lang sa grupo ni VP Sara.
Gamitan ba ang tawag dito?
Samantala, grabe ang dinaranas ng kahirapan ngayon ng nakararami…lalo na ang kahirapang mabuhay sa napakataas nang presyo ng mga bilihin na hindi kayang tapatan ng kita ng higit na nakararami…kumahig nang kumahig man sila.
At isa sa mga ugat ng labis na paghihirap ang korapsyon o pagpapayaman sa pwesto na kinapapalooban ng mga lider o kaalyado ng dalawang grupo sa Kamara at Senado, maging sa Palasyo mismo.
Sa anong kinabukasan kaya tayo dadalhin ng lahat ng mga grupong ito?






