Home OPINION ARTIFICIAL INTELLIGENCE: PAG-UNLAD O PANGANIB?

ARTIFICIAL INTELLIGENCE: PAG-UNLAD O PANGANIB?

1
0

SA mabilis na pagbabago ng teknolohiya, hindi na maituturing na science fiction ang Artificial Intelligence. Bahagi na ito ng ating pang-araw-araw na buhay—mula sa edukasyon, negosyo, medisina, pamamahayag hanggang sa seguridad at pamamahala ng pamahalaan.

Totoong malaki ang naitutulong ng Ai sa pagpapabilis ng trabaho, pagsusuri ng datos, pagtuklas ng sakit, pagbuo ng mga bagong ideya at pagpapahusay ng serbisyo. Sa edukasyon, nagiging katuwang ito ng mga guro at mag-aaral sa pananaliksik at pagkatuto. Sa industriya, nakatutulong ito upang mapababa ang gastos, maiwasan ang pagkakamali at mapataas ang produksiyon. Maging sa larangan ng occupational safety and health, maaaring gamitin ang AI upang matukoy ang mga panganib sa lugar ng trabaho at maiwasan ang aksidente.

Subalit hindi lahat ng dulot nito ay positibo. Kabilang sa mga panganib ang pagkawala o pagbabago ng ilang trabaho dahil sa automation, pagkalat ng maling impormasyon, deepfake videos, paglabag sa privacy at cybercrime. May posibilidad ding maging labis ang pagdepende ng tao sa Ai hanggang sa humina ang sariling kakayahang mag-isip, magsuri at magpasya. Kailangang mag-ingat pa rin tayo dahil hindi lahat ng impormasyong ibinibigay ng Ai ay tama o mapagkakatiwalaan.

Dahil dito, mahalagang isulong ang responsableng paggamit at pag-aaral ng Ai. Kailangang magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga manggagawa, guro, mag-aaral at maging ang mga namumuno sa pamahalaan tungkol sa kakayahan, limitasyon at etikal na paggamit nito. Hindi Ai ang dapat katakutan kundi ang kawalan ng kaalaman at pananagutan sa paggamit nito. Ang teknolohiya ay dapat maging kasangkapan lamang sa pag-unlad at hindi ito kapalit ng talino, konsensya at pagpapahalaga ng tao.

Sa hindi mapigilang pag-usbong ng Ai, ang pinakamahalagang kakayahan na magagawa natin, dear readers, ay hindi lamang ang karunungan sa paggamit nito kundi ang kahusayan kung kailan, paano at para kanino ito gagamitin.

∞∞∞

Ipinaaabot natin ang pagbati sa mga kaklase nating kapwa taga-National Press Club na nagsipagtapos sa artificial intelligence training. Kabilang ang inyong lingkod sa mga dumalo sa activity na ito na idinaos sa Quest Hotel, Clark, Pampanga nito lamang November 5-6, 2026.

Naging successful ang 2-day seminar ng mga officer and staff, organizer and resource speaker ng Japan Tobacco International na exclusive para sa National Press Club, official at delegadong miyembro. Ipinaaabot din natin ang pasasalamat sa kanila, lalo na kay kapatid at tukayo, Dennis Gadil.

Para sa inyong lahat, mga Kapatid, MABUHAY!!!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here