Home NATIONWIDE Libreng Nutrisyon sa mag-aaral ng kinder hanggang Grade 3, aprubado ng Bicam

Libreng Nutrisyon sa mag-aaral ng kinder hanggang Grade 3, aprubado ng Bicam

2
0

MANILA, Philippines – Naisapinal ng Senado at Kamara ang ilang probisyon ng panukalang National Children’s Nutrition Act sa isinagawang bicameral conference committee meeting sa Senate Bill No. 2272 at House Bill No. 9466, na magbibigay ng libreng Nutrisyon sa Kinder hanggang Grade 3 sa pampublikong paaralan.

Sa pahayag ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2) na naglalayon ang panukala na ibasura at palitan ang Republic Act No. 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.

Ang pinag-isang panukala ay nagtatatag ng National Children’s Nutrition Program na gumagamit ng life-stage approach sa pagtugon sa malnutrisyon, na kumikilala na ang nutrition interventions ay dapat magsimula nang maaga at magpatuloy sa buong paglaki ng bata upang suportahan ang pisikal na paglaki, cognitive development, at kakayahang matuto.

Binibigyang-diin ng mga natuklasan ng EDCOM 2 ang pangangailangan para sa tuloy-tuloy na nutrition interventions, kung saan isa sa bawat apat na batang Pilipino ay stunted, habang isang-kapat lamang ng mga batang wala pang limang taong gulang ang nakakatugon sa inirerekomendang energy intake.

Ang stunting, na karaniwang bunga ng talamak na kakulangan sa nutrisyon sa panahon ng First 1,000 Days, ay nauugnay sa mas mahinang educational outcomes at maaaring magdulot ng hindi na maibabalik na pinsala sa cognitive development.

Sa ilalim ng panukala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang mga local government units (LGUs), ang magpapatupad ng Supplemental Feeding Program para sa lahat ng batang may edad dalawa hanggang wala pang limang taong gulang sa ilalim ng Early Childhood Care and Development (ECCD) system, sa lahat ng modalities (maging ang mga mag-aaral ay nasa daycare centers, supervised neighborhood play, o community at home-based programs) at anuman ang kanilang nutritional status.

Para sa mga school-age children, ang Department of Education (DepEd) ay magbibigay ng universal school-based feeding sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan mula Kindergarten hanggang Grade 3, anuman ang kanilang nutritional status, at targeted feeding sa mga undernourished learners sa Grades 4 hanggang 6.

Kasama rin sa panukala ang mga buntis na adolescent learners na naka-enroll sa mga paaralang sakop ng feeding program. Maaari ring palawakin ng DepEd ang programa sa mga undernourished, vulnerable, o Indigenous Peoples learners sa mga paaralang sakop ng voucher program ng gobyerno, kabilang ang mga nasa self-contained classes o Alternative Learning System.

“We wanted to be specific about who is responsible at every stage of a child’s life. By identifying the different feeding programs, we make clear that at every stage, there should be a program supporting the child and an agency responsible for delivering that support,” pahayag ni EDCOM 2 Co-Chairperson Sen. Bam Aquino.

Tinatugunan din ng pinalawak na coverage ang pangangailangan sa nutrisyon ng mga buntis na adolescent learners, na hindi tahasang tinukoy bilang benepisyaryo sa ilalim ng dating school feeding law. Sa ilalim ng panukala, ang mga buntis na adolescent learners ay makakatanggap ng fortified meals at karagdagang micronutrient supplementation, kabilang ang iron, folic acid, calcium, at multiple micronutrients kung kinakailangan.

Kabilang sa mga complementary interventions sa ilalim ng panukala ang regular na growth at nutrition monitoring, micronutrient supplementation, supplementary milk program, at nutrition education.

Inaatasan din ng panukala ang taunang pag-aadjust sa meal funding batay sa nutritional recommendations ng National Nutrition Council (NNC) at ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), pati na rin sa inflation. Ang pondo para sa Supplemental Feeding Program at School-Based Feeding Program ay dapat gastusin sa direct food costs.

Binigyang-diin ni EDCOM 2 Co-Chairperson Rep. Roman Romulo ang pangangailangang matiyak na ang pondong inilaan para sa feeding ay makarating sa mga bata sa anyo ng sapat na pagkain.

“We need to ensure that the budget allocated for feeding translates into meals that meet the nutritional needs of children. Once maintenance and operating expenses are deducted, the amount left for food may not be enough to provide an adequate meal,” pahayag ni Romulo.

Itinalaga ng panukala ang Department of Health (DOH) bilang lead agency para sa National Children’s Nutrition Program, na responsable sa pangkalahatang direksyon ng polisiya, koordinasyon, at monitoring ng mga health at nutrition interventions, kabilang ang paglalabas ng mga pamantayan, protocols, at guidelines. Ang NNC naman ang magsisilbing central interagency coordinating at monitoring body, na mangangasiwa sa nutrition surveillance, accountability mechanisms, at integrasyon ng nutrition-related data systems sa mga implementing agencies at LGUs.

Nililinaw din ng panukala ang financing responsibilities para sa health at nutrition interventions.

Sasaklawin ng PhilHealth ang mga eligible individual-based health at nutrition services sa pamamagitan ng benefit packages nito, habang ang DOH at iba pang kinauukulang national government agencies, na may suporta mula sa LGUs, ay mananatiling responsable sa population-based services. Kabilang dito ang nutrition surveillance, community-wide screening, health promotion, at procurement, warehousing, at distribution ng health at nutrition commodities.

Pinalalakas din ng panukala ang lokal na food systems sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa direktang pagbili ng agricultural at fishery products para sa feeding programs mula sa mga kwalipikado at akreditadong lokal na magsasaka, mangingisda, at kanilang mga kooperatiba at negosyo, alinsunod sa Republic Act No. 11321 o ang Sagip Saka Act, at Republic Act No. 12009 o ang New Government Procurement Act. Alinsunod sa lokal na availability at practicability, bibigyan ng prayoridad ang mga small-scale na lokal na magsasaka at mangingisda.

Ang National Children’s Nutrition Act ay kabilang sa mga Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority measures.

Ito ay akda nina EDCOM 2 Co-Chairpersons Sen. Bam Aquino, Sen. Joel Villanueva, Rep. Roman Romulo, at Rep. Jude Acidre, kasama sina EDCOM 2 Commissioners Sen. Sherwin Gatchalian, Sen. JV Ejercito, at Rep. Anna Veloso-Tuazon bilang co-authors. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here