Home NATIONWIDE Tulfo, naghain ng panukala kontra tanggalan sa trabaho dahil sa AI

Tulfo, naghain ng panukala kontra tanggalan sa trabaho dahil sa AI

2
0

MANILA, Philippines – Naghain si Senador Erwin Tulfo ng panukalang batas na layong protektahan ang mga manggagawang posibleng mawalan ng trabaho dahil sa paggamit ng artificial intelligence (AI).

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2563, nais amyendahan ni Tulfo ang Labor Code upang magtakda ng malinaw na kondisyon bago maaaring tanggalin ang isang empleyado dahil sa AI automation.

Ayon kay Tulfo, hindi dapat manggagawa lamang ang magdala ng epekto ng pag-usad ng teknolohiya.

Sa panukala, maaari lamang magsagawa ng retrenchment dahil sa AI kung lehitimo at may sapat na dahilan ang paggamit ng teknolohiya, ginawa ito nang may good faith, walang ibang praktikal na alternatibo ang employer, at may patas na pamantayan sa pagpili ng maaapektuhang empleyado.

Kailangan ding abisuhan ng employer ang Department of Labor and Employment (DOLE) nang hindi bababa sa anim na buwan bago ang nakatakdang tanggalan.

Ang mga matatanggal naman ay dapat makatanggap ng separation pay na katumbas ng hindi bababa sa dalawang buwang sahod o dalawang buwang sahod sa bawat taon ng serbisyo, alinman ang mas mataas.

Inaatasan din ng panukala ang mga employer na unahin ang reskilling at redeployment ng mga empleyado bago sila tanggalin dahil sa AI.

Iginiit ni Tulfo na hindi lamang trabaho ang nakataya sa usapin kundi pati ang kabuhayan ng mga pamilya ng mga manggagawa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here