Home HOME BANNER STORY 20 senador, humirit ng calamity declaration kay PBBM sa El Niño

20 senador, humirit ng calamity declaration kay PBBM sa El Niño

4
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang 20 senador kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara ng state of calamity o state of imminent disaster sa mga lugar na apektado o nanganganib sa matinding El Niño upang mapabilis ang tulong sa mga magsasaka at mangingisda.

Nakapaloob ang panawagan sa Proposed Senate Resolution No. 765 na inihain nitong Lunes, Nobyembre 9, kasunod ng lumalaking pinsala ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura.

Batay sa mga datos na binanggit sa resolusyon, umabot na sa ₱6.87 bilyon ang pinsala sa agrikultura hanggang Setyembre 26, 2026, na sumasaklaw sa mahigit 249,000 ektaryang lupang sakahan.

Katumbas na ito ng 43% ng kabuuang pinsalang naitala noong 2023–2024 El Niño.

Ayon pa sa resolusyon, 106 lungsod at munisipalidad sa Cagayan Valley, Caraga, Bicol, CALABARZON at SOCCSKSARGEN ang nagdeklara na ng lokal na state of calamity hanggang Oktubre 6, na may tinatayang 388,375 kataong apektado.

Gayunman, 2.53 milyon pa lamang sa 11.12 milyong target na benepisyaryo ng Department of Agriculture (DA) ang naaabot ng tulong, batay sa mga numerong inilahad sa resolusyon.

Kabilang sa mga lumagda sina Senate President Win Gatchalian, Senate President Pro Tempore Tito Sotto, Sen. Kiko Pangilinan at 17 pang senador.

Iginiit ni Pangilinan ang pangangailangang tiyakin ang suplay ng tubig sa mga palayan at magpatupad ng mga hakbang laban sa labis na pagtaas ng presyo, profiteering at hoarding.

Hinimok din ng mga senador ang Department of Budget and Management (DBM) at iba pang ahensya na pakilusin ang mga pondong maaaring gamitin sa pagtugon sa El Niño, kabilang ang humigit-kumulang ₱39 bilyong disaster fund na binanggit sa resolusyon.

Kabilang sa mga hinihinging tulong ang irigasyon, binhi at iba pang farm inputs, crop insurance, suporta sa paghahayupan at pagkain para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Samantala, kinumpirma ng PAGASA noong Nobyembre 4 na umiiral na ang very strong El Niño sa Tropical Pacific at posibleng umabot sa pinakamataas na antas bago matapos ang 2026.

Inaasahang magpapatuloy ang epekto nito sa Pilipinas hanggang unang kalahati ng 2027.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12287, maaaring magdeklara ang Pangulo ng state of imminent disaster batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at pagsusuri sa inaasahang panganib. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here