MANILA, Philippines – Hinimok ni Vice President Sara Duterte ang pamahalaan na tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa bilang paghahanda sa posibleng matinding epekto ng Super El Niño sa agrikultura.
Sa pakikipagpulong sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong nitong Linggo, Nobyembre 8, sinabi ni Duterte na hindi sapat ang paghahanda ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pag-iipon ng tubig-ulan gamit ang mga balde.
Ayon sa ulat ng GMA News, binigyang-diin ng Bise Presidente na dapat tutukan ng pamahalaan ang posibleng kakulangan sa pagkain sakaling masira ang mga pananim dahil sa tagtuyot.
“Ang kailangan paghandaan ng pamahalaan ay kung ano ang supply ng pagkain pagdating ng panahon na ‘yan kasi ibig sabihin, pag nasira yung ating ani, mag-import tayo,” ani Duterte.
Dagdag pa niya, hindi makatutulong ang paghahanda ng maraming balde kung hahantong sa matinding tagtuyot ang El Niño.
Ang pahayag ni Duterte ay kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na mag-ipon ng tubig-ulan bilang paghahanda sa posibleng kakulangan sa suplay ng tubig.
Nauna nang ipinaliwanag ng Malacañang na bahagi ito ng programa ng pamahalaan sa rainwater collection at water conservation, kabilang ang pagtuturo sa publiko kung paano salain at linisin ang nakolektang tubig-ulan.
Samantala, kinumpirma ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na umiiral na ang Very Strong El Niño sa Tropical Pacific at inaasahang magpapatuloy hanggang unang kalahati ng 2027.
Posible itong umabot sa pinakamataas na antas bago matapos ang 2026 at magdulot ng kakulangan sa ulan, dry spells at tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa.
Bilang paghahanda, inihayag din ng pamahalaan ang mga hakbang ng National Irrigation Administration (NIA), kabilang ang paggamit ng groundwater maps upang matukoy ang posibleng mapagkukunan ng tubig para sa mga solar-powered irrigation system.
Nanawagan din ang PAGASA sa mga kinauukulang ahensya na paigtingin ang mga hakbang sa konserbasyon at maayos na pamamahala ng mga pinagkukunan ng tubig upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa iba’t ibang sektor. Dave Medina