Home NATIONWIDE Ilang CCTV footage sa kulungan ni Romualdez, nabura na — BJMP

Ilang CCTV footage sa kulungan ni Romualdez, nabura na — BJMP

11
0

MANILA, Philippines – Inamin ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na hindi na kumpleto ang CCTV recordings sa New Quezon City Jail sa Payatas, kung saan nakakulong si dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division nitong Lunes, Nobyembre 9, sinabi ni Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion na na-overwrite na ang ilan sa mga lumang CCTV footage mula nang mailipat si Romualdez sa pasilidad noong Setyembre 14.

“No, Your Honor. It is overwritten. I don’t know the technicalities,” tugon ni Pacion nang tanungin kung available pa ang lahat ng recordings, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.

Karaniwang nangyayari ang overwriting sa ilang CCTV system kapag napuno ang storage at awtomatikong napapalitan ng bagong recordings ang mga lumang kuha.

Gayunman, hindi pa malinaw kung aling mga petsa at oras ang saklaw ng mga na-overwrite na footage.

Nauna nang inatasan ng Sandiganbayan ang BJMP na magsumite ng detalyadong ulat tungkol sa kinaroroonan ni Romualdez mula Setyembre 14 hanggang Nobyembre 4.

Kabilang sa hinihingi ng korte ang CCTV recordings, maintenance records, talaan ng power interruptions, pagpasok at paglabas ng mga sasakyan, paggamit ng ambulansya at listahan ng mga taong pinayagang tumulong sa dating Speaker.

Kaugnay ito ng alegasyon ng kolumnistang si Ramon Tulfo na palihim umanong nakalalabas ng kulungan si Romualdez gamit ang ambulansya.

Binawi na ni Tulfo ang naturang alegasyon matapos amining mali ang impormasyong kanyang natanggap.

Nauna ring itinanggi ng BJMP na nakalalabas ng pasilidad si Romualdez nang walang pahintulot.

Samantala, nilinaw ni Pacion na ang personal assistant ni Romualdez na si Arvin de Guzman ay pinapayagan lamang sa loob ng kulungan mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, ngunit maaaring tawagan anumang oras para sa pangangailangan ng dating Speaker.

Kinumpirma naman ng abogado ni Romualdez na si Judd Roy na humiling ang kanilang kampo ng pahintulot para makapagbigay ng tulong si De Guzman dahil pamilyar ito sa mga gamot at iba pang pangangailangang medikal ng dating lider ng Kamara.

Nitong Lunes ng hapon, nagtungo sa Payatas Jail sina Sandiganbayan Associate Justices Karl Miranda at Fritz Delos Santos upang personal na inspeksyunin ang pasilidad at tiyakin ang pagsunod sa detention order ng korte.

Nilinaw ng Sandiganbayan na ang inspeksyon ay hindi nangangahulugang mayroon nang napatunayang paglabag o iregularidad.

Nahaharap si Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng umano’y ₱7.4 bilyong kickback scheme sa mga flood control project. Nauna na siyang naghain ng not guilty plea. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here