Home HOME BANNER STORY Mga proyekto, budget ng mga kongresista isasapubliko sa isang online transparency platform...

Mga proyekto, budget ng mga kongresista isasapubliko sa isang online transparency platform — Speaker Dy

12
0

MANILA, Philippines – Malapit nang ilunsad ng Kamara de Representantes ang isang online transparency platform kung saan maaaring makita ng publiko ang mga proyekto at pondong inilaan sa bawat kongresista.

Inanunsyo ito ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III nitong Lunes, Nobyembre 9, sa pagbabalik ng sesyon ng Kamara bilang bahagi ng mga hakbang upang palakasin ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.

Ayon kay Dy, makikita sa platform ang pangalan ng proyekto, lokasyon, inilaang budget at kung natapos na o hindi pa ang pagpapatupad nito.

Sinimulan umano ang pagbuo ng online platform noong Setyembre at inaasahang magiging available sa publiko sa mga susunod na araw.

“Karapatan ng bawa’t isa na malaman kung saan napupunta at mapupunta ang bawat sentimong inyong pinaghihirapan at bawat buwis inyong binabayaran,” ani Dy sa pahayag na inilabas ng Kamara.

Kasabay nito, inatasan ng House Speaker ang lahat ng oversight committees na agad magsagawa ng pagsusuri sa paggamit ng mga ahensya ng pamahalaan sa kanilang 2026 budget.

Layunin nitong matukoy kung nagamit ang mga pondong inilaan sa tamang proyekto, naaayon sa orihinal na layunin at naipatupad sa itinakdang panahon.

Iginiit ni Dy na hindi nagtatapos sa pag-apruba ng pambansang budget ang responsibilidad ng Kongreso dahil tungkulin din nitong tiyaking maayos ang paggastos ng mga ahensya.

Samantala, tiniyak ng Speaker na muling bubuksan sa publiko at ila-livestream ang deliberasyon ng bicameral conference committee para sa panukalang 2027 national budget.

Patuloy rin aniya ang operasyon ng Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSc) upang masusing repasuhin ang mga pagbabago sa panukalang pondo.

Nauna nang nagpahayag ang Kamara ng kahandaang isapubliko ang mga dokumentong sumusuporta sa government projects kasunod ng mga panawagan para sa mas malinaw na proseso ng pagbabadyet.

Kabilang sa mga prayoridad na pinaglaanan ng karagdagang pondo sa House-approved budget ang edukasyon, medical assistance at paghahanda ng sektor ng agrikultura sa epekto ng El Niño.

Binigyang-diin ni Dy na bukas ang Kamara sa pagsusuri, mungkahi at kritisismo ng publiko upang mapahusay ang paggamit ng pondo ng bayan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here