Home NATIONWIDE BSP, planong mag-imprenta ng sariling polymer bills sa Pinas

BSP, planong mag-imprenta ng sariling polymer bills sa Pinas

3
0
(c) Danny Querubin

MANILA, Philippines – Target ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na simulan ang lokal na produksyon ng polymer banknotes sa 2027 upang mabawasan ang pag-asa ng bansa sa mga dayuhang supplier ng salaping papel.

Ayon kay BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan nitong Lunes, Nobyembre 9, naghahanda na ang ahensya ng production line sa Security Plant Complex sa Quezon City para sa paggawa ng polymer bills.

Inaasahang magkakaroon ito ng kapasidad na gumawa ng humigit-kumulang 500 milyong polymer banknotes kada taon.

Sa kasalukuyan, umaasa ang BSP sa Australia para sa produksyon ng polymer banknotes na ginagamit sa Pilipinas.

Layunin ng bagong pasilidad na magkaroon ng sariling kakayahan ang bansa sa paggawa ng naturang salapi.

Unang inilabas ng BSP ang ₱1,000 polymer banknote noong Abril 2022, na sinundan ng ₱500, ₱100 at ₱50 denominations.

Ayon sa BSP, mas matibay at mas mahirap pekehin ang polymer banknotes dahil sa mas sopistikadong security features nito.

Maaari ring tumagal nang hanggang 7.5 taon ang polymer bills kumpara sa karaniwang 1.5 taong paggamit ng paper banknotes.

Bukod dito, mas hindi madaling masira ang polymer bills kapag nabasa o nalagyan ng dumi at langis.

Nilinaw naman ng BSP na mananatiling legal tender ang mga umiiral na paper banknotes at patuloy itong gagamitin kasabay ng polymer bills. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here